LATEST NEWS

MENTAL HEALTH PROGRAM, ISINULONG PARA SA MGA EMPLEYADO SA SENADO

MMCHD News Release No. 71
June 2, 2022

Hinain ang Mental Health Program (MHP) para sa mga empleyado sa Senado nitong araw ng Miyerkules, ika-1 ng Hunyo, 2022. Ito ay sa pamamagitan ng paglagda ng Pledge of Support at Turnover of Implementation Guidelines na ginanap sa kanilang tanggapan.

Nakapaloob sa MHP ang mga alituntunin na tutugon sa mga pangangailangang sikolohikal ng mga kawani ng Senado. Ilan lamang sa mga kabilang sa programa ay ang pagpuksa ng diskriminasyon sa mga nakararanas ng mental health conditions, pagkakaroon ng mga aktibidades at pagpapalaganap ng kaalaman sa kanilang opisina tungkol sa mental health, pag-aaral ng sitwasyon sa kanilang trabaho at ang pagkakaroon ng mga paraan upang maipaabot ang mga treatment at recovery services sa mga empleyadong napatunayang nakakaranas ng mga kundisyon sa pag-iisip. Ang kanilang MHP ay alinsunod sa binabang panuntunan ng Civil Service Commission (CSC) sa pangangailangan at pagkakaroon ng ganitong programa sa pampublikong sektor (Memorandum Circular No. 04, s. 2020).

Sumang-ayon naman si Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria Balboa sa napapanahong pagpapalaganap ng programa sa mental health. Aniya, ang kundisyong pag-iisip ay isa sa mga seryosong aspeto na kailangang bigyan ng aksyon, kung kaya’t nangunguna ang Depressive disorder, Bipolar disorder at Schizophrenia sa Pilipinas. Dagdag pa nito, pumapalo sa mahigit limang libo ang kaso ng suicide deaths sa bansa kada taon.

Nilagdaan sa programa ang Pledge of Support o ang pangako ng pagsuporta sa kanilang Mental Health Program na pinangunahan ni Deputy Secretary Arnel Jose S. Bañas. Ito ay sinundan ng Ceremonial Turnover ng Implementing Guidelines ng programa, na sinamahan naman ni Senate President Vicente Sotto III, Senate Secretary Myra Marie D. Villarica at isang kinatawan mula sa Civil Service Commission.

Sa tagumpay ng pagsisimula ng bagong programang ito sa tanggapan ng Senado, inaasahang mabibigyang pansin ang mga hamon na nakaaapekto sa kabuuang kalusugan at pagiging produktibo ng mga empleyado at ng mga mambabatas.