LATEST NEWS

PAGLAGDA NG PLEDGE OF COMMITMENT LABAN SA DENGUE ISINAGAWA NG DOH-MMCHD, BILANG KUMPAS NG PAGSISIMULA NG DENGUE AWARENESS MONTH

MMCHD NEWS RELEASE NO. 69
June 1, 2022

Isinagawa ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang Pledge of Commitment Signing laban sa Dengue ngayong araw ng Miyerkules, ika-1 ng Hunyo, 2022 bilang hudyat ng pagsisimula ng Dengue Awareness Month ngayong Hunyo.

Ito ay kung saan nilagdaan nina DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa, Local Health Support Division (LSHD) Chief Dr. Amelia Medina, Regional Licensing Regulation and Enforcement Division (RLED) Chief Dr. Jeremiah Francis Chan, at Management Support Services Division (MSSD) Chief Mr. Philip F. Du ang Pledge of Commitment bilang pakikiisa sa paglaban kontra Dengue. Ito ay sa pamamagitan ng pagsunod sa Dengue 4S Drive na Search and Destroy, Self-Protection Measures, Seek Early Consultation, at Say Yes to Fogging.

Ayon kay Dir. Balboa, mas paiigtingin ang isinusulong na mga alituntunin kontra Dengue sa mga tahanan at opisina. Kaya naman hinikayat nito ang mga kawani ng ahensya na sundin rin ang Dengue 4S Drive at maging mabuting ehemplo sa iba.

Aniya, magkakaroon ng inspeksyon sa mga gusali ng ahensya simula sa Lunes, ika-6 ng Hunyo, 2022 alas 4 ng hapon upang tiyakin kung sumusunod nga sa Dengue 4S Drive ang mga kawani.

Batay sa datos ng DOH-MMCHD noong ika-1 ng Enero hanggang ika-31 ng Mayo, 2022, lumalabas na mayroong 3,107 kaso ng Dengue na naiulat mula sa iba’t ibang institusyon sa kalakhang Maynila at may 20 na bagong kaso ngayong linggo.

Sinasabi namang mas mababa ng 21% ang datos na naitala ngayong taon kumpara noong nakaraang taon ng 2021, kung saan mayroong 3,927 kaso ng Dengue. Habang 9 naman ang bilang ng nasawi na pawang nasa edad 5-9 at 55-59 taong gulang.

Samantala, nagpakita naman ng suporta ang iba pang mga empleyado ng DOH-MMCHD sa programang ito sa pamamagitan ng paglagda rin sa Pledge of Commitment bilang simbolo ng pagsunod at pagiging mabuting huwaran sa publiko.