LATEST NEWS

TARGET NA BILANG NG BABAKUNAHAN SA LUNGSOD NG MAYNILA PARA SA UNANG ARAW NG CHIKITING BAKUNATION, NALAMPASAN PA

MMCHD NEWS RELEASE NO. 69
June 1, 2022

Tinatayang nasa 2,336 ang bilang ng nabakunahan ng lungsod ng Maynila para sa unang araw ng Chikiting Bakunation sa National Capital Region (NCR) noong ika-30 ng Mayo, 2022.

Ito ang inanunsyo ni Dr. Edgar Santos, Head ng Manila Emergency Operation Center (MEOC) sa isinagawang Kick-off Ceremony ng Chikiting Bakunation kahapon sa covered court ng barangay 118 sa Tondo, Maynila.

Ayon kay Dr. Santos, ang kanilang naitalang bilang ng nabakunahan noong unang araw ng Chikiting Bakunation Days ay lampas sa target nilang mabakunahan na 2,000 na 0-23 buwang gulang na mga sanggol sa lungsod.

Umaasa naman ito na magtutuloy-tuloy ang mataas na bilang ng nababakunahan sa lungsod para sa Chikiting Bakunation.
Binati naman ni Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa ang lokal na pamahalaan ng Maynila dahil nakamit at nalampasan pa ng lungsod ang daily target na 2,000.

Iginiit rin ni Dir. Balboa na importante ang papel ng mga lokal na pamahalaang lungsod at barangay upang mahikayat ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak. Kaya naman umaasa ito na magtutulungan ang DOH-MMCHD at mga lungsod sa NCR sa pagbibigay proteksyon sa mga batang 0-23 buwang gulang laban sa mga sakit gaya ng tigdas, rubella, pulmonya, hepatitis B, at iba pang Vaccine-Preventable Diseases (VDP).

Pinasasalamatan rin ni Dir. Balboa ang mga Healthcare Workers na walang sawang tumutulong sa ahensya na ihatid ang serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng pagbabakuna hindi lamang sa mga nabanggit na mga sakit kundi maging sa pagtuturok laban sa COVID-19.

Sa huli ay hinihikayat muli ni Dir. Balboa ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak na sanggol, ipinabatid rin nito na maraming mga pamamaraan na isinasagawa ang ahensya at mga lokal na pamahalaang lungsod sa NCR gaya na lamang ng pagbabahay-bahay, fix vaccination sites sa mga health centers, gayundin ang mobile vaccination bus.

Ang mga magbabahay-bahay aniya para sa Chikiting Bakunation Days ay maaari ring magbakuna kontra COVID-19 sa mga batang edad 5-11 taong gulang, gayundin sa iba pang eligible population na kasama sa bahay