LATEST NEWS

98,595 NA MGA SANGGOL NA 0-23 BUWANG GULANG, TARGET BAKUNAHAN SA NCR PARA SA CHIKITING BAKUNATION DAYS

Tinalakay ni Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa sa panayam nito kay Mr. Cesar Chavez sa programang Metro Manila Ngayon ng DZRH ang Chikiting Bakunation Days sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay Dir. Balboa, ang Chikiting Bakunation Days ay sabay-sabay na umaarangkada sa bawat lungsod sa NCR simula kahapon ika-30 ng Mayo at tatagal hanggang ika-10 ng Hunyo, 2022.

Dagdag pa nito, iba’t iba ang pamamaraan ng kada lungsod sa pagpapatupad nitong programa kung saan liban sa Health Centers as Vaccination Sites, ang ilan ay magkakaroon ng temporary vaccination sites sa mga barangay habang ang ilan naman ay nagpapatupad ng house-to-house vaccination upang suyurin ang mga batang hindi pa nakatatanggap ng Oral Polio Vaccines (OPV) o hindi pa nakakapagpaturok ng Pentavalent Vaccines (Pentahib), Inactivated Polio Vaccines (IPV), Pneumococcal Vaccines, at Measles Vaccines.

Target aniyang mabakunahan para sa dalawang linggong programa na ito ay nasa 98,595 na bilang ng mga batang edad 0-23 buwang gulang sa NCR.

Sa kabilang banda, ipinabatid naman ni Dir. Balboa na bagama’t tag-ulan na ay hindi pa naman umano tumataas ang kaso ng bilang ng mga Pilipinong tinatamaan ng Dengue at Lesptospirosis.

Gayunman, hinihikayat nito ang publiko na huwag maging kampante at iwasan ang pagkakaroon ng mga sakit kaakibat ng tag-ulan sa pamamagitan ng pagsusuot ng mahabang kasuotan gaya ng pantalon, pag-gamit ng mosquito repellant, pag-iwas sa pamamalagi sa mga malalamok na lugar, gayundin ang pag iwas sa paglusong sa mga baha. Pwede ring tumaas ang kaso ng pagtatae dahil sa kontaminadong tubig at pagkain. Ganun din ang pag ubo, sipon at lagnat dahil sa pagbabago ng klima.

Pinapayuhan rin ni Dir. Balboa ang publiko na agad magpakonsulta sa doctor ang mga makakaramdam ng kahit anong sintomas ng dengue at leptospirosis upang mabigyan ng tamang payo kung ano ang dapat gawin para maagapan ang paglala ng mga sintomas.