LATEST NEWS

CHIKITING BAKUNATION DAYS SA LUNGSOD NG QUEZON CITY, UMARANGKADA NA

MMCHD NEWS RELEASE NO. 66
MAY 30, 2022

Sinimulan na ng lokal na pamahalaang lungsod ng Quezon City ang Chikiting Bakunation Days, ngayong araw ng Lunes, ika-30 ng Mayo, 2022 katuwang ang World Health Organization (WHO) at Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD).

Layon ng Chikiting Bakunation Days na maprotektahan ang 95% ng mga batang may edad na 0-23 buwang gulang laban sa mga sakit na tigdas, rubella, pulmonya, hepatitis B, at iba pang Vaccine-Preventable Diseases (VDP).

Ayon kay DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa, dahil sa iba’t-ibang problemang pangkalusugan, malaking tulong ang Chikiting Bakunation upang maprotektahan ang mga bata sa mga sakit na pwedeng mapigilan ng pagbabakuna at maiwasan ang pagtaas ng mga kaso nito at posibleng pagkaroon ng outbreak.

Nagpasalamat naman si Quezon City Mayor Joy Belmonte, sa pagkakataong sila ang naging pangunahing lungsod para ilunsad ang unang araw ng Chikiting Bakunation Days sa Metro Manila.

Aniya, buong pusong makikipagtulungan at susuporta ang kanilang lungsod sa DOH at WHO sa mga programang ipinapatupad upang pangalagaan ang kalusugan at kapakanan hindi lamang para sa residente ng Queozn City kundi ng bawat mamamayang Pilipino.

Kabilang sa mga dumalo ang mga kawani ng pamahalaang lungsod ng Quezon City na sina Vice Mayor Gian Carlo Sotto, City Health Officer Esperanza Anita Arias, City Councilors at iba pang department heads. Dumalo rin mula sa DOH-MMCHD sina Division Chief Dr. Amelia Medina, Family Health Cluster Head Dr. Janice Malesido at Mr. Arnold Alina.

Samantala, ang Chikiting Bakunation Days sa Metro Manila ay tatagal hanggang sa ika-10 ng Hunyo, 2022.