LATEST NEWS

DR. ELLEN G. MUTYA NG DOH-MMCHD, NAGBAHAGI NG INSPIRASYON SA DUTERTE’S LEGACY SUMMIT

MMCHD News Release No. 65
May 30, 2022

Nagbahagi si Health Emergency Management Unit (HEMU) Head, Dr. Ellen G. Mutya ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ng kaniyang karanasan sa COVID-19, upang magbigay inspirasyon sa unang araw ng Duterte’s Legacy Summit: The Final Report to the Filipino People, nitong araw ng Lunes, ika-30 ng Mayo, 2022, sa Philippine International Convention Center (PICC).

Ang mga programa ng Administrasyong Duterte sa iba’t ibang aspeto ng bansa ay binigyang pagpapahalaga bago ilipat ang pamamahala sa susunod na administrasyon. Tinalakay ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 Deputy Chief Vivencio Dizon ang Prevent-Detect-Isolate-Treatment-Reintegrate and Vaccination (PDITR+V) strategy na labis na naging matagumpay sa gitna ng pandemya. Ipinagmalaki nito na isang buwan bago matapos ang administrasyon sa Hunyo ay nakamtan na ang 69 milyong pilipinong fully vaccinated, at ang bansa ay may kakayahan nang magtest ng mahigit sa 100,000 katao kada araw.

Si Dr. Ellen Mutya ay isa sa mga nabigyan ng pagkakataon na magbahagi ng kwento ng kanyang pamilyang naapektuhan ng COVID-19 noong Marso 2021, ayon sa imbitasyon ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Sa kaniyang paglalahad, sinabi nitong sa loob lamang ng isang linggo, nasawi ang kanilang parehong magulang at isa sa kanilang limang magkakapatid. Dahil iyon ay naganap sa kasagsagan ng pagtaas ng mga kaso sa bansa, nahirapan ang kanilang pamilya na humanap ng ospital na mapapasukan.

Sila ring magkakapatid ay nagpositibo sa COVID-19, kung kaya’t sila ay nakaranas ng mga mahabang epekto ng sakit. Sa panahon na iyon, ang mga bakuna ay sinisimulan pa lamang ibahagi sa mga health care workers.

Inisa-isa naman ni Dr. Mutya ang ilan sa mga paraan na ang gobyerno ay rumeresponde sa pandemya tulad ng emergency hiring at pagbabahagi ng mga Personal Protective Equipment (PPE) sa mga rehiyong nangangailangan nito. Nagkaroon ng COVID-19 compensation, bilang tulong sa mga health care worker na nagkaroon ng COVID-19 sa linya ng kanilang trabaho. Mayroon ding Malasakit Center na umaagapay sa “no balance billing” para sa mga pasyenteng nagka-COVID-19, kung saan naging benepisyaryo si Dr. Mutya at higit sa lahat, ang libreng bakuna mula sa pamahalaan.

Inanyayahan nito ang publiko na magpabakuna, pati na rin ang mga maaari nang makatanggap ng booster shots. Aniya, binabanggit ni Health Secretary Francisco Duque III, na makasisigurong ang mga bakuna ay ligtas at epektibo.

“Kung ang aking magulang ay umabot sa pagbabakuna, malamang po buhay pa po sila hanggang ngayon,” dagdag nito.

Sa pagpapatuloy ng kaniyang pahayag, pinasalamatan ni Dr. Mutya ang Administrasyong Duterte, ang NTF, at lahat ng mga frontliners sa kanilang hindi matatawarang tulong sa gitna ng laban sa pandemya.

“To lose is to gain”, sa pagtatapos ni Dr. Mutya sa kaniyang pagsasalaysay, iginiit nito na napaigting ng kaniyang mga karanasan ang kaniyang dedikasyon sa paghikayat ng mga tao na maging protektado, para sa kanilang pamilya at sa mga nasa paligid nila.

Tutuloy naman ang Duterte’s Legacy Summit ngayong araw, ika-31 ng Mayo 2022, kung saan magbibigay ng pahayag si Health Secretary Duque tungkol sa Universal Health Care Law at Malasakit Center.