LATEST NEWS

PAG-ARANGKADA NG CHIKITING BAKUNATION SA NCR, TINALAKAY SA PANAYAM NG CARITAS NEWS ON THE GO KAY DOH-MMCHD REGIONAL DIRECTOR GLORIA J. BALBOA

MMCHD NEWS RELEASE NO. 64
MAY 30, 2022

Tinalakay sa panayam ng Caritas News on the Go kay Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa noong ika-27 ng Mayo, 2022 ang pag-arangkada ng Chikiting Bakunation sa National Capital Region (NCR) simula ngayong ika-30 ng Mayo hanggang sa ika-10 ng Hunyo, 2022.

Ayon kay Dir. Balboa, ang isasagawang Chikiting Bakunation ay ang pagbibigay ng mga bakuna sa mga sanggol na edad 0-23 buwang gulang na hindi pa nakatatanggap ng Oral Polio Vaccines (OPV) o hindi pa nakakapagpaturok ng Pentavalent Vaccines (Pentahib), Inactivated Polio Vaccines (IPV), Pneumococcal Vaccines, at Measles Vaccines.

Layon aniya nito na mabigyan ng proteksyon ang mga chikiting laban sa sakit gaya ng tigdas, rubella, pulmonya, hepatitis B, at iba pang Vaccine-Preventable Diseases (VDP).

Para umano sa sampung araw na aktibidad, target ng DOH-MMCHD na mabakunahan ang 98,595 ng mga chikiting na edad 0-23 buwang gulang.
Tiniyak naman ni Dir. Balboa na patuloy na magbibigay ang DOH-MMCHD ng Technical Assistance sa mga Pamahalaang Lungsod sa NCR at sa iba pang mga health partners sa pamamagitan ng pagsasanay ng mga Healthcare Workers, pagdagdag ng logistics, HRH Deployment, pagsubaybay at pagsusuri upang mas mapabuti pa at maging epektibo ang programa.

Iginiit rin ni Dir. Balboa na ang mga bakunang nabanggit ay ligtas na ipamahagi sa mga bata, napatunayan na din ang bisa nito sa pagsugpo ng mga nakakahawang sakit para sa mga sanggol.

Sa huli ay hinihikayat ni Dir. Balboa ang mga magulang na may anak 0-23 buwang gulang na makilahok sa isasagawang Chikiting Bakunation simula ngayong araw ika-30 ng Mayo at tatagal hanggang sa ika-10 ng Hunyo, 2022.