MMCHD News Release No. 63
May 26, 2022
Laking pasasalamat ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa Relief International (RI) at The United Nation’s International Children’s Emergency Fund (UNICEF) sa mga suportang binahagi nito kontra COVID-19 sa mga lungsod ng Navotas at Paranaque. Ito ay sa isang Exit Meeting o Regional Partnership Impact Review na ginawa sa tanggapan ng MMCHD nitong araw ng Huwebes, ika-26 ng Mayo, 2022.
Ang pagsasanib pwersa na ito ay naglayon na palakasin ang suportang teknikal para sa pagpapaigting ng bakunahan sa National Capital Region (NCR), sa pamamagitan ng dalawang napiling lungsod. Kabilang sa layuning ito ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan.
Sa isinagawang report nito, nakasalamuha ng RI-UNICEF ang kabuuang bilang sa dalawang lungsod na 1,206 health workers, volunteers at frontliners para sa Risk Communication and Community Engagement (RCCE); 1,707 lokal na opisyal na sumusuporta sa bakunahan; 2,181 religious at charismatic leaders; at 128 na lokal o community-based organizations at iba pang organisasyon. Humampas naman sa mahigit 3.3 milyon ang naabot ng kanilang mga mensahe paukol sa pagbabakuna kontra COVID-19.
Sa loob lamang ng siyam na buwan mula sa pagsisimula ng programa noong Agosto, 2021 at sa pakikipagtulungan ng DOH-MMCHD, sila ay bumaba sa mga barangay ng Navotas at Paranaque upang aralin ang mga sitwasyon nito. Pinalaganap naman ang impormasyon sa bakuna sa pamamagitan ng bandillo at recorrida, mga donasyon na 9 speakers at 20 megaphones, pamamahagi ng 16,435 communication materials, at 9411 training materials. Bukod dito, ang grupo ng RI-UNICEF ay nagsagawa rin ng Social Listening o pakikinig sa mga komento at hamon sa pagbabakuna.
Sa mga naging gawain ng RI-UNICEF, natukoy ang ilan sa mga hamon sa pagbabakuna tulad ng kakulangan sa kaalaman ng iskedyul ng bakunahan, paghihintay sa interval ng primary series at booster shot, at maging ang ilang mga maling akala sa booster shots. Ito naman ay tinutugunan ng DOH-MMCHD sa regular nitong operasyon sa pagbabakuna.
Hinain din sa Partnership Impact Review na sa pagtatapos ng programa sa ika-30 ng Mayo, 2022, nais ng RI-UNICEF na ituloy at palakasin ang mga nasimulang aktibidades tulad ng house-to-house campaigns, bandillo, social listening at maging mga training sa mga local leaders at health workers.
Samantala, kumpiyansa naman si Relief International Country Director Emilie Fernandes na maitutuloy ang mga nasimulan ng RI-UNICEF at giniit na mas malaking pagpaplano ang kakailanganin upang mas epekibong maipaabot ang mga mensahe, lalo na sa bakunahan laban sa COVID-19 sa lahat ng lungsod sa NCR.
Sa pagtatapos, nagpaabot ng pasasalamat si DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa kina Director Fernandes, at sa mga bumubuo ng RI-UNICEF para sa kanilang pakikipagtulungan sa DOH, lalo na sa pandemya ng COVID-19. Tiyak si Director Balboa na ang kanilang naitulong ay patuloy na magagamit ng mga lokal na pamahalaan at umaasa naman na hindi ito ang huli sa pakikipag-ugnayan sa dalawang grupo ng RI at UNICEF.