MMCHD NEWS RELEASE NO. 62
MAY 26, 2022
Naging matagumpay ang isinagawang Ceremonial Vaccination Event ng Department of Health (DOH), SM Supermalls, at iba pang ahensya ng gobyerno para sa pagbabakuna ng COVID-19 Second Booster Dose para sa mga Senior Citizens at Healthcare Workers, sa SM Megamall sa Mandaluyong City, ngayong araw ng Huwebes, ika-26 ng Mayo, 2022.
Ang isinagawang Ceremonial Vaccination ang nagsilbing tulay upang isapubliko ang matatag na pagtugon ng Administrasyong Duterte laban sa pandemya bunsod ng COVID-19 na naglalayong maprotektahan ang bawat mamamayang Pilipino hanggang sa mga huling araw ng kanyang termino.
Malugod na inanunsyo ni Mr. Steven Tan, President ng SM Supermalls na isa sila sa sa mga unang partners ng gobyerno na nagbakuna ng Second Booster Doses sa kanilang mga Mall Vaccination Sites. Ipinabatid rin nito ang kanilang buong pagsuporta sa gobyerno sa pagpapaigting sa kampanya ng pagbabakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary at National Vaccination Operation Center (NVOC) Chairman Myrna Cabotaje, tinatayang nasa 69 Million na ang bilang ng mga Pilipinong nabakunahan kontra COVID-19 sa bansa at bagamat marami-rami na ito ay ipinabatid sa publiko na marami paring hindi pa nababakunahan lalo na ng booster doses.
Kaya naman hinihikayat ni Testing Czar at Presidential Adviser for COVID-19 Response Secretary Vince Dizon ang publiko na magpabakuna na dahil bukod sa ito ay magbibigay proteksyon sa sarili laban sa COVID-19, ang pagbabakuna ay isa ring paraan upang tulungan ang mga sakripisyo na isinasagawa ng mga frontliners gaya ng mga Healthcare Workers sa bansa.
Bilang isang doktor, ibinahagi naman ni Antipolo City Mayor Casimiro Jun Ynares III ang kanyang paniniwala na mahalaga ang pagpapabakuna lalo na ng booster doses upang hindi umano matalo ng COVID-19.
Nangako naman si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando S. Artes na patuloy silang tutulong sa programang ito ng gobyerno sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagpapadala ng mobile vaccination teams sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila gayundin ang pakikipagtulungan sa iba pang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor upang mailapit pa ang pagbabakuna sa taumbayan.
Samantala, nagpasalamat naman sina Mandaluyong Mayor Carmelita Abalos at incoming Mayor Benjamin Abalos Sr., dahil sa tiwala na ipinagkaloob ng gobyerno sa lungsod lalo na sa pagbabakuna kontra COVID-19.
Bago matapos ang programa ay binakunahan naman para sa Ceremonial Vaccination ang tatlong Healthcare Workers, tatlong Senior Citizens, at gayundin si Incoming Mayor Abalos Sr.
Umaasa naman si Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya na sa mga huling buwan ng pamumuno ng Administrasyong Duterte ay mas mapapaigting pa ang pagbabakuna at magkakasamang manalo sa laban kontra COVID-19.