LATEST NEWS

MGA NAMAYAPA DAHIL SA SAKIT NA AIDS, INALALA

News Release No. 61
May 20, 2022

Nitong ika-20 ng Mayo, 2022, inalala sa isinagawang Philippine International AIDS Candlelight Memorial sa Quezon City Memorial Circle ang mga namayapang Pilipino dahil sa sakit na Acquired Immunodeficiency Syndrome o AIDS.

Matapos ang dalawang taon, ngayong na lamang muling naisagawa ang aktwal na candlelight activity bilang pagsunod na rin sa mga alituntunin ng pamahalaan sa gitna ng pandemya bunsod ng COVID-19.

Isa sa mga layunin ng aktibidad ang paigtingin ang kampanya laban sa diskriminasyon sa mga People Living with Human Immunodeficiency Virus o HIV (PLHIV) at magbigay kaalaman sa publiko patungkol sa nasabing sakit.

Layon din ng seremonya na ibahagi sa publiko ang mga serbisyo at programa ng pamahalaan para sa mga PLHIV.

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, nasa 8 mula sa 10 na bagong kaso ng HIV ay nasa edad na 15 hanggang 34 taong gulang.

Layunin aniya ng kanilang lungsod na makapagbigay ng patas at mas ligtas na kinabukasan para sa lahat at matuldukan na ang epidemyang ito sa taong 2030.

Nagpahayag naman ng suporta mula sa ahensiya si Department of Health-Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria Balboa para sa mga programang naglalayong paigtingin ang laban sa nasabing sakit.

Bilang pagtatapos, nagpaabot ng mensahe si Nanay Ellen, 28 years na PLHIV, na siyang buhay na patunay na maaari pang mabuhay nang mas mahaba pa ang mga kabataang nakakaranas ng parehong sakit.

Sa korteng ribbon ay inilapag ng mga kamag-anak ng mga namayapa dahil sa AIDS, at iba pang dumalo gaya ng mga kinatawan ng mga social hygiene clinics sa Metro Manila ang kanilang mga kandila bilang pag-alala sa mga yumao.