MMCHD NEWS RELEASE NO. 57
MAY 19, 2022
Sinimulan na ng ilang lungsod at ospital sa Metro Manila ang pagbabakuna ng 2nd Booster para sa mga Senior Citizens at Healthcare Workers, ngayong araw ng Huwebes, ika-19 ng Mayo 2022.
Ayon sa Vaccination Team Leader ng Valenzuela Medical Center (VMC) na si Dr. Jeffrey Capian, prayoridad nilang mabigyan ng 2nd booster shot ang 803 nilang empleyado na pawang mga Healthcare Workers at ilan ay Senior Citizens.
Aniya, bukod sa mga empleyado ay bukas rin ang VMC na bakunahan ang mga residente malapit sa ospital alinsunod narin sa panuntunan na inilabas ng Department of Health (DOH).
Asahan aniya na bukas ang VMC vaccination site, Lunes hanggang Biyernes, mula 9am hanggang 3pm para sa mga gustong magpabakuna.
Samantala, kabilang rin sa mga nagsimulang magbakuna ngayong araw ng 2nd booster shot ang Makati Circuit Makati.
Pero paglilinaw ni Dr. Ronald Unson, Assistant City Health Officer ng Makati, bukod sa pagbabakuna sa mga vaccination site sa lungsod ay sinimulan na ring magbahay-bahay ng kanilang team upang mas mailapit sa mga senior citizens na bedridden ang pagbabakuna laban sa COVID-19.
Bukod dito, ang isa pang stratehiya na ipinatupad ng lungsod ng Makati ay ang pagbaba umano ng pagbabakuna sa mga health centers.
Inaasahan namang magsisimula na ring magbakuna ng 2nd booster shot para sa Senior Citizens at Healthcare Workers ang ilan pang lungsod at ospital sa Metro Manila sa mga susunod na mga araw.