LATEST NEWS

DOH UNDERSECRETARY ELMER PUNZALAN, NAKIISA SA SELEBRASYON NG IKA-12 ANIBERSARYO NG NCGH NGAYONG ARAW NG MIYERKULES, IKA-18 NG MAYO, 2022.

MMCHD NEWS RELEASE NO. 56
MAY 18, 2022

Nakiisa si Health Undersecretary Elmer Punzalan sa selebrasyon ng ika-12 Anibersaryo ng Dr. Eva Macaraeg-Macapagal National Center for Geriatric Health (NCGH) ngayong araw ng miyerkules, ika-18 ng Mayo, 2022.
Sa maikling mensahe ni Dr. Milagros Barzaga, NCGH Hospital Chief, ipinabatid nito ang kanyang pasasalamat sa Poong Maykapal dahil sa pag-gabay nito sa ospital sa loob ng 12 taon na pagbibigay serbisyo sa mga senior citizens.

Nagpasalamat rin si Dr. Barzaga sa walang sawang pag suporta ng Department of Health (DOH) sa NCGH, gayundin sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMC) na mother hospital ng NCGH.

Ikinagagalak naman ni Dr. Emmanuel F. Montaña Jr., JRRMC Medical Center Chief ang pagdalo ni Usec. Punzalan na aniya’y nagpapatunay ng walang sawang pagsuporta nito simula pa noong pasinayaan ang NCGH kasama ang dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, hanggang sa kasalukuyang pagdiriwang ng anibersaryo ng pasilidad.

Ayon naman kay Usec. Punzalan, ang kanyang pagpunta sa NCGH ay senyales ng kanyang pagmamahal sa sambayanang Pilipino, lalo na sa mga senior citizens. Pinasalamatan din nito ang mga healthcare workers ng ospital dahil sa patuloy na pagbibigay serbisyo sa mga nakatatanda.

Sa huli, ay nangako naman si Usec. Punzalan na patuloy na susuporta at tutugon ang DOH sa mga pangangailangang pangkalusugan ng NCGH.
Samantala, ang selebrasyon ng NCGH para sa kanilang ika-12 anibersaryo ay magtatagal hanggang sa Biyernes, ika-20 ng Mayo, 2022 kung saan inaasahang magsasagawa ng iba’t ibang aktibidad para sa mga senior citizens, gaya ng Zumba at pagbibigay ng Rehab Medicine Lecture.