LATEST NEWS

TOWN HALL SESSION HINGGIL SA PAGBABAKUNA KONTRA COVID-19 NG MGA BATANG EDAD 5-11 TAONG GULANG, ISINAGAWA NG DOH-MMCHD

MMCHD News Release No. 55
May 17, 2022

Nagsagawa ang Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ng isang Town Hall Session para sa mga batang edad 5-11 taong gulang nitong araw ng Miyerkules, ika-17 Mayo, 2022 sa pamamagitan ng mga online platform na Webex at Facebook.

Sa isinagawang diskusyon, inihayag ni Infectious Disease Prevention and Control Program (IDPCC) Head Dr. Adorissa Jurao ang kasalukuyang kalagayan ng bansa sa COVID-19, na aniya’y nakapagtala ng 915 aktibong kaso nitong ika-15 ng Mayo, 2022.

Tinukoy din nito na ang pandemya ay nakakaapekto sa kabuuang kalusugan ng kabataan, kabilang na ang kanilang mental, emosyonal at pisikal na pangkalusugan. Kaya naman hinihikayat nito ang mga magulang at guro na pabakunahan ang mga batang edad 5-11 taong gulang lalo na ngayong nagbalik na ang face-to-face classes sa mga paaralan.

Samantala, ipinabatid naman ni Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines Former President Dr. Mary Ann Bunyi na nasa 25% pa lamang ang fully vaccinated children, sa mahigit 1.5 milyong batang kailangang mabakunahan.

Sa isang open forum, nagkaroon ng pagkakataon ang mga magulang at mga guro na magtanong. Ilan sa mga ipinunto ay ang kahalagahan ng paghingi ng payo at medical clearance mula sa doctor at mga spesyalista para sa mga batang may sakit, ang pagtanggap ng COVID-19 vaccine 14 days mula sa pagtanggap ng ibang bakuna, at pagpapanatili ng Minimum Public Health Standards (MPHS) manumbalik man ang mga klase sa paaralan. Diniin din na ang mga bakuna ay libre at ligtas.

Ang mga katanungan ay sinagot nina Dr. Connie Genepayo ng Department of Education – National Capital Region, Co-Lead Dr. Kezia Lorraine Rosario ng National Vaccination Operation Center, at Dr. Janice Rojas-Malesido, Head ng MMCHD Family Health Cluster.

Lumahok sa nasabing Town Hall ang ilang mga pinuno at miyembro ng mga Parent-Teacher Association (PTA) mula sa iba’t ibang paaralan sa National Capital Region (NCR).

Sa pagtatapos ng Town Hall Session, ipinabatid naman ni MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa ang kaniyang kagalakan sa dami ng mga dumalo sa nasabing aktibidad, kung saan lagpas 1,100 na sama-samang mga guro, magulang at mga kabataan ang aktibong nakinig sa diskusyon. Hiling naman nito na pabakunahan ng mga magulang ang kanilang mga anak, bilang proteksyon laban sa COVID-19.