LATEST NEWS

DOH-MMCHD, KATUWANG ANG LATTER-DAY SAINTS SA IKAKASANG CHIKITING BAKUNATION

MMCHD News Release No. 054
May 12, 2022

Katuwang ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang Latter-day Saints sa ikakasang Chikiting Bakunation na naglalayong mabakunahan ang 1.5 milyong kabataan.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng lugar kung saan ginanap ang oryentasyon para sa kampanya sa Routine Immunization o Chikiting Bakunation.

Mababatid na una nang nagbigay ang Latter-day Saints ng apat na Biothermal Packaging Units at 50,000 piraso ng vaccination cards sa DOH-MMCHD noong ika-17 ng Marso, 2022.
Gayunman, ngayong araw pa lamang pormal na tinanggap ni MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa ang mga ito mula sa mga kinatawan ng Latter-day Saints Charities (LDSC) na sina Elder Aretemio C. Maligon at Elder Steven Leininger.

Ayon kay Elder Leininger, kanilang naunawaan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kumpletong bakuna, magmula pa bago mag-isang taong gulang ang isang sanggol. Aniya, ang magandang kalusugan ng mga kabataan ay isa sa mga prayoridad ng kanilang simbahan, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints.

Ang kanilang donasyon ay ilan lamang sa dami ng kanilang naging kontribusyon sa DOH magmula pa ng taong 2007, tulad ng pagbili ng mga bakuna bilang suporta sa Measles Immunization Program, vaccine carriers at posters para sa promosyon at information drive.

Samantala, dumalo rin sa oryentasyon ang ilang miyembro ng World Health Organization (WHO) na sina Dr. Sukadeo Neupane at Dr. Wendwosen Nibabe.

Ang National Vaccination Days para sa Routine Immunization o Chikiting Bakunation sa National Capital Region ay magaganap mula sa ika-30 ng Mayo hanggang ika-10 ng Hunyo, 2022.