MMCHD NEWS RELEASE NO. 53
MAY 10, 2022
Patuloy na nagbakuna laban sa COVID-19 ang mga Health Workers sa piling lungsod ng National Capital Region (NCR) sa pangunguna ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) noong May 9, 2022 o araw ng eleksyon.
Ang ilan sa mga lungsod ay gumawa ng istratehiya upang mailapit sa publiko ang bakunahan, kung kaya’t nagtayo ang mga ito ng temporary vaccination site malapit sa mga presinto kada lungsod, kabilang na ang mga lungsod ng Muntinlupa at San Juan.
Habang ang ilang lungsod naman ay nagtalaga ng mga Health Workers kada presinto upang matiyak ang kaayusan at ligtas na botohan sa pamamagitan ng pagsunod sa Minimum Public Health Standards (MPHS) gaya ng pagsusuot ng face mask at pagmamatyag ng isang metrong distansya upang maiwasan ang posibleng hawaan ng COVID-19.
Samantala, itinaas naman ng Health Emergency Management Unit (HEMU) ang code white alert mula May 8, 2022 hanggang May 10, 2022 at ginawang aktibo ang HEMS Operation Center para sa mahigpit na pagmomonitor at koordinasyon sa Medical Team ng MMCHD sa bawat lungsod, gayundin ang aktibong pagsubaybay sa mga balita, at pagdaragdag ng manggagawang mangangasiwa sa pangangailangang pangkalusugan ng mga botante sa piling presinto.
Batay sa inisyal na report ng bawat kinatawan ng DOH sa kada lungsod ng NCR, ang ilang karamdaman na naitala sa kada Isolation Polling Precinct (IPP) ay ang mga sumusunod: pagkahilo, pagsusuka, kahirapan sa paghinga, at pagkahimatay.
Mababatid na bago ang mismong araw ng eleksyon ay naglabas rin ng paalala ang DOH-MMCHD sa pamamagitan ng Social Media Card (SMC) upang manatiling ligtas laban sa COVID-19 gaya ng pagtiyak ng magandang bentilasyon sa mga presinto, pagkuha ng temperatura bago pumasok ng presinto, pag-isolate o pagpapanatili sa bahay kung may nararamdamang sintomas ng COVID-19, at pagpapabakuna para sa primary series at booster doses upang madagdagan ang proteksyon laban sa COVID-19.