MMCHD NEWS RELEASE NO. 52
MAY 2, 2O22
Ginawaran ng lungsod ng Taguig ang Department of Health-Metro Manila Center for Health (DOH-MMCHD) ng Sertipiko ng Apresasyon, dahil sa importanteng kontribusyon at pagsuporta ng ahensya sa lungsod sa panahon ng pandemya bunsod ng COVID-19.
Ito ay iginawad sa isinagawang pagbibigay pugay sa mga frontliners ng Taguig, noong, ika-28 ng Abril, 2022.
Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, bilang bahagi ng selebrasyon ng 435th Founding Anniversary ng Taguig, ay kanilang kinikilala at binibigyang pugay ang mga magigiting na frontliners ng lungsod dahil sa kanilang di matatawarang dedikasyon sa kritikal na panahon ng COVID-19. Taos pusong nagpapasalamat si Mayor Cayetano sa mga frontliners sa Taguig.
Dagdag pa ni Mayor Cayetano, bilang sukli sa pagsasakripisyo ng mga ito ay mas marami pa umano silang pinaplano ni Taguig District 2 Congresswoman Lani Cayetano, tulad ng imprastraktura, pagpapatayo ng mga bagong ospital, health centers, mga ambulansya, mga karagdagang kagamitang pang medikal, gayundin ang mas marami pang mga trabaho para sa mga mamamayan ng lungsod.
Pasasalamat ang ipinaabot ni Mayor Cayetano sa DOH-MMCHD na kinakatawan ni Regional Director Gloria J. Balboa, dahil sa pakiisa nito sa pagbibigay pugay sa mga frontliners ng Taguig.
Sa huli, ginawaran ang DOH-MMCHD ng Sertipiko ng apresasyon dahil sa hindi natitinag na suporta at patnubay nito sa lungsod ng Taguig, upang malampasan ang pandemyang COVID-19.