MMCHD NEWS RELEASE NO. 50
APRIL 26, 2022
Isinagawa ngayong araw ang pagbabakuna ng ikalawang booster shot ng COVID-19 sa mga indibidwal na mayroong Human Immunodeficiency Virus (HIV) ngayong araw, ika-26 ng Abril, 2022.
Ang pagbabakuna ay isinagawa sa Project 7 Social Hygiene Clinic - Primary Care HIV Treatment Hub sa Quezon City. Ito’y kung saan regular na nagpapatingin ang mga pasiyenteng mayroong HIV.
Layunin ngayon ng pamahalaan na unang mabakunahan ang immunocompromised population na susundan ng iba pang mga grupo sa mga susunod na araw.
Sa panayam kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, ipinabatid nito na kinakailangan mabakunahan ang mga immunocompromised individuals upang madagdagan ang proteksyon ng mga ito laban sa COVID-19 gayong mahina ang kanilang panlaban sa mga sakit.
Nanawagan rin siya sa publiko na huwag nang hintayin ang panibagong bugso ng COVID-19 at pagdagsa ng mga tao sa mga vaccination sites bago piliing magpabakuna.
Nilinaw rin ni Sec. Duque ang pagkakaroon ng misinterpretation sa guidelines na nagresulta ng pagbabakuna ng ibang grupo ng mga indibidwal na hindi immunocompromised.
Dagdag pa niya na hindi dapat ito pangambahan dahil kinakailangan rin naman ang ibang priority group na mabakunahan ngunit kailangan munang mauna ang mga immunocompromised. Ipinahayag niya rin na mayroon nang isinasagawa na corrective measure patungkol sa nasabing isyu.
Ayon naman sa isang HIV patient na nabakunahan ng 2nd booster, nagdesisyon siyang kunin ang libreng proteksyon laban sa COVID-19 na ibinibigay ng pamahalaan upang protektahan ang kaniyang sarili at ang kaniyang pamilya.
Samantala, bukas na ang sa walong Social Hygiene and Sun Down Clinics sa Quezon City para sa pagbabakuna ng ikalawang dose ng booster.
Maari lamang na tumawag o mag-coordinate sa pinakalamapit na health center sa lugar.
Kasama rin sa bumisita sa klinika sina Health Undersecretary Elmer Punzalan, DOH-Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria Balboa at mga kawani ng Quezon City Health Office.