LATEST NEWS

PAGBABAKUNA NG 2ND BOOSTER SHOT PARA SA MGA IMMUNOCOMPROMISED, UMARANGKADA NA

MMCHD NEWS RELEASE NO. 49
APRIL 25, 2022

Sinimulan na ng Department of Health (DOH) ang pagbabakuna ng 2nd booster shot para sa mga immunocompromised na nasa edad 18 pataas, ngayong araw ng Lunes, ika-25 ng Abril, 2022.
Sa National Capital Region (NCR) piling ospital at lungsod pa lamang ang nagsimulang magbakuna ng 2nd booster shot at ito ay ang mga sumusunod: Philippine Children’s Medical Center (PCMC), Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, Valenzuela Medical Center (VMC), Las Pinas General Hospital (LPGH), Chinese General Hospital, at lungsod ng Makati.

Ito’y kung saan, nagsagawa naman ng vaccination site rounds sa piling mga nabanggit na ospital at lungsod ang DOH-Metro Manila Center for Health Development sa pangunguna ng Assistant Regional Director nito na si Dr. Aleli Annie Grace P. Sudiacal.

Sa maiksing panayam kay Dr. Sudiacal, ipinabatid nito na tinatayang nasa dalawandaang libo ang bilang ng immunocompromised na target mabakunahan sa NCR.

Hinihikayat rin nito ang publiko na pasok sa kategorya na magpabakuna na upang madagdagan ang proteksyon laban sa COVID-19.
Aniya, asahan na magsusunod-sunod narin ang paglalabas ng DOH ng guidelines hinggil sa pagbabakuna ng 2nd booster shot para sa iba pang kategorya.

Ang tinutukoy na mga immunocompromised, ay ang mga indibidwal na o mayroong mga sumusunod:
• nasa immunodeficiency state
• may HIV
• may cancer
• transplant recipient
• kasalukuyang sumasailalim sa steroid treatment
• may poor prognosis o bed-ridden patients
• iba pang may immunodeficiency condition na sertipikado ng doctor

Samantala, ang iba pang mga ospital at lungsod ay inaasahang sisimulan ang pagbabakuna ng 2nd booster shot sa mga susunod na araw.