LATEST NEWS

MGA GINAWA SA PAGSASANIB PWERSA NG DOH, RELIEF INTERNATIONAL, UNICEF, AT LUNGSOD NG NAVOTAS, INILAHAD SA ISANG PARTNER REVIEW PROGRAM

MMCHD News Release No.047
April 5, 2022

Ginanap ang isang Partner Review Program nitong araw ng Martes, ika-5 ng Abril, 2022 sa Bayview Hotel Manila, kung saan inilahad ang mga napagtagumpayang aktibidades sa Lungsod ng Navotas. Ito ay sa ilalim ng pagsasanib pwersa ng nasabing lungsod sa Department of Health (DOH), Relief International (RI), at The United Nation’s International Children’s Emergency Fund (UNICEF).

Ipinrisenta ni Navotas City Health Officer Dr. Christia Padolina ang mga sitwasyon bago dumating ang tulong ng mga organisasyon tulad ng kakulangan sa pwersang pantao, kakulangan ng atensyon sa mga health workers, at mababang bilang ng nagpapabakuna. Iginiit nito na ito ay naibsan sa koordinasyon ng Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) na ikonekta ang lungsod sa RI-UNICEF.

Sa tulong ng dalawang organisasyon, nakalikha at napatibay ang mga stratehiya sa pagbabakuna, sa pamamaraan tulad ng detalyadong pagpaplano para sa bawat barangay, trainings at pagtuturo sa mga Local Chief Executives (LCEs), mga miyembro ng lokal na pamahalaan at sa mga frontliners, pamimigay impormasyon sa lahat ng sulok ng lungsod, at pakikinig sa mga hinaing sa pagbabakuna ng mga indibidwal at health care workers.

Ibinida ang ilang mga aktibidades katuwang ang mga partners tulad ng Roving Bandillo, regular na Lecture Sessions at Situationers, House-to-House Vaccination Activities, at iba pa tulad ng pamimigay ng mga Information, Education and Communication (IEC) Materials.

Sinuportahan naman ito ni MMCHD Assistant Regional Director Dr. Aleli Annie Grace Sudiacal at sinabing ito ay naging epektibo dahil “niyakap” umano ng lungsod ang mga ipinagkaloob na tulong ng RI-UNICEF. Aniya, sa maraming taon niyang pagtatrabaho sa DOH, ay kanyang nasaksihan ang pinalakas na ‘intersectoral, multi-sectoral at inter-agency collaboration’ laban sa COVID-19. Hiniling naman nito sa mga ahensya at organisasyon na nagsanib pwersa na ipagpatuloy ang pagtutulungan maging sa ibang programang pangkalusugan.

Sa pamamagitan ng maiiksing presentasyon, binigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng Navotas City Health Office at mga Barangay Health Workers na ipagbigay alam ang kanilang mga pananaw kung paano sila lalong makakatulong at paano mapapabuti ang kolaborasyon sa mga partner stakeholders tulad ng RI-UNICEF.

Sa nalalapit na pagtatapos ng partnership sa Navotas, umaasa sina Relief International Country Director Emilie Fernandes at UNICEF Representative Ms. Kathleen Solis na patuloy na magagamit ng lungsod ang mga materyales at kaalaman na kanilang ibinahagi, gayundin ang mga stratehiya sa pagbabakuna laban sa COVID-19.