LATEST NEWS

GIRL SCOUT OF THE PHILIPPINES, HANDA NA SA PAGBABALIK ESKWELA MATAPOS BAKUNAHAN KONTRA COVID-19

MMCHD NEWS RELEASE NO.046
APRIL 2, 2022

Handa na sa pagbabalik eskwela ang Girl Scout of the Philippines (GSP), matapos simulang bakunahan kontra COVID-19 ang mga kabataang miyembro nito noong Sabado, ika-2 ng Abril, 2022 sa SM Megamall sa Mandaluyong City.

Ito ay sa pangunguna ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH), sa tulong ng SM Supermalls upang mabigyan ng proteksyon ang mga kabataang miyembro ng GSP na nasa edad 5-11 at 12-17 taong gulang. Gayundin, ang pagbibigay ng booster shot sa mga ospisyal ng GSP.

Naniniwala naman si Dr. Nina Lim-Yuson, National President of Girl Scout of the Philippines na isang malaking hakbang para sa mga kabataan ang pagbabakuna kontra COVID-19 upang ligtas na makapasok ang mga ito sa kani-kanilang paaralan para sa face-to-face classes.

Pinasasalamatan naman ni Mr. Ian Mathay, Assistant Vice President for Operations of SM Supermalls ang mga magulang na nagsilbing halimbawa sa iba pang magulang na mabakunahan ang kanilang mga anak laban sa COVID-19.

Ipinabatid naman ni Dr. Cesar Tutaan, Mandaluyong City Medical Center Acting Director ang buong pagsuporta ng lungsod sa ginanap na pagbabakuna sa mga miyembro ng GSP.

Ayon naman kay DepEd Director Bettina Aquino, hindi maitatanggi na naging mabigat na suliranin ang nararanasang pandemya bunsod ng COVID-19 lalo na sa mga mag-aaral. Dahil dito, lubos na sumusuporta aniya ang DepEd sa pagbabakuna upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng delakidad na edukasyon sa mga ito.

Ipinaalalahanan naman ni DOH Undersecretary Myrna C. Cabotaje ang mga magulang ng nabakunahan na bumalik para sa second dose at booster shot. Gayundin ang patuloy na pagsunod sa Minimum Public Health Standard (MPHS).

Samantala, pinangunahan naman nina National Task-Force for COVID-19 Consultant Dr. Maria Paz P. Corales, DOH-Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria Balboa at Mandaluyong Assistant City Health Officer Dr. Emily Detaro ang ceremonial vaccination sa SM Megamall na nagsilbing simbolo ng pagsisimula ng pagbabakuna sa mga miyembro ng GSP.