MMCHD News Release No.045
March 31, 2022
Nakiisa si Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa sa isinagawang selebrasyon ng Treatment Rehabilitation Center (TRC) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, sa lungsod ng Taguig para sa ika-47 Anibersaryo nito noong March 28, 2022.
Ayon kay Dr. Alfonso A. Villaroman, Chief of Hospital III ng DOH-TRC Bicutan, hindi naging madali ang pinagdaanan ng TRC Bicutan sa loob ng 47 taon. Gayunman, nalagpasan umano nila ito dahil sila’y pinagpala sa mga kawani na masisipag at masigasig sa kanilang tungkulin sa bayan.
Pinagpala rin aniya sila na sa kabila ng mga pagsubok ay kanilang nasasandalan ang DOH-MMCHD. Kaya naman pinasasalamatan ni Dr. Villaroman si Dir. Balboa dahil sa patuloy na pagsuporta nito sa mga programa at mga pangangailangan ng TRC Bicutan.
Naniniwala naman si Dir. Balboa na lumago bilang isang institusyon sa loob ng 47 taon ang TRC Bicutan. Ikinatutuwa rin nitong malaman na nakayanan ng institusyon na panghawakan ang mahigit 22,000 kaso ng drug dependent at makumpleto ng mga ito ang 100% ng programa nito noong nakaraang taong, 2021.
Binati rin nito ang mga kawani na gumawa ng kahanga-hangang kontribusyon at bumuo sa mga taon ng may mahusay na pagsasanay sa institusyong ito. Aniya, nawa’y maging simbolo ng inspirasyon sa mga kawani ang mga plake at sertipiko na ipapamahagi upang ipagpatuloy ang mahusay na gawain.
Samantala, bukod sa mga empleyado ay ginawaran rin ng TRC Bicutan si Dir. Balboa ng sertipiko bilang pagkilala sa kanyang patuloy na pagsuporta sa institusyon.