LATEST NEWS

LAUNCHING NG PEDIATRIC VACCINATION SITE SA VENICE GRAND CANAL SA BGC TAGUIG, NAGING MATAGUMPAY

MMCHD News Release No.041
MARCH 22, 2022

Naging matagumpay ang launching ng pediatric vaccination site sa Venice Grand Canal sa BGC Taguig ngayong araw ng Martes, ika-22 ng Marso, 2022.

Ito’y kung saan nakiisa ang Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa pangunguna nina Assistant Regional Director Aleli Annie Grace P. Sudiacal at Development Management Officer (DMO) IV na si Ms. Nina Allen Galema.

Ayon kay Dr. Jennifer Lou De Guzman, Taguig COVID-19 Vaccination focal person at National Immunization Program Coordinator, bilang pediatrician isang malaking hamon para sakanila ang pagpapatupad ng pagbabakuna laban sa COVID-19 para sa mga kabataan sa gitna ng pandemya.

Gayunman, naniniwala umano silang mga frontliners na ginagamit sila ng Panginoon bilang instrumento upang matupad ang dalangin ng iba pang mga Pilipino gaya ng pagkakaroon ng proteksyon laban sa COVID-19.

Nagpapasalamat naman si Mr. Esteban Cabanos III, Assistant Vice President (AVP) at General Manager (GM) ng Venice Grand Canal, sa DOH at sa lokal na pamahalaang lungsod ng Taguig dahil sa pagpayag sakanila na maging bahagi sa programa ng bansa na pagbabakuna kontra COVID-19.

Naniniwala rin ito na ang pagbabakuna sa mga kabataan ay isang hakbang upang ligtas na makabalik sa paaralan ang mga kabataan.
Samantala, ipinagmalaki naman ni Dr. Sudiacal ang pagtutulungan ng pribado at pampublikong sektor sa bansa ngayong pandemya na umano’y dahilan ng pagtaas ng bilang ng nababakunahan kontra COVID-19.

Hinihikayat rin nito ang mga magulang na dumalo sa programa na tulungan ang DOH sa pagpapalaganap ng impormasyong ligtas, epektibo at libre ang mga bakuna gayundin ang pagtungo sa Venice Grand Canal kung saan maaari nilang pabakunahan ang kanilang mga anak.