MMCHD News Release NO.040
March 22, 2022
Naging matagumpay ang pagkilala ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa ilang mga katangi-tanging lungsod sa bansa dahil sa mga epektibong pamamaraan ng mga ito para sa mga programang Safety Seal, VaxCertPH at National Vaccination Days. Ito ay iginawad sa isang Recognition Program na ginanap sa SM Mall of Asia nitong ika-22 ng Marso, 2022.
Pormal na binuksan ni SM Supermalls President Mr. Steven Tan ang programa kung saan ipinagmalaki nito na halos 10 milyong Pilipino ang nabakunahan na sa kanilang mga malls at ipinabatid din nito na sa kanila magpapabakuna ang 700,000 Girl Scouts of the Philippines sa darating na ika-2 ng Abril, 2022.
Safety Seal Certification Program
Sa pahayag ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ireneo Vizmonte, sinabi nito na sinimulan ang Safety Seal Certification Program makalipas ang halos isang taon upang magbigay ng kasiguraduhan na ang isang establisimyento ay sumusunod sa Minimum Public Health Standards (MPHS) na itinatag ng pamahalaan.
Laking tuwa ni Usec. Vizmonte dahil sa kabila ng pagiging boluntaryo ng programa, maraming negosyo ang nag-apply para rito. Ibinalita nito na sila ay nakatanggap ng mahigit sa 120,000 applications nitong huling linggo, at 76,000 dito ay naaprubahan na at isyuhan na ng Safety Seal.
Dagdag naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na isa ang National Capital Region (NCR) sa top-performing regions kung saan mahigit sa 18,000 establishments na ang mayroong Safety Seal Certification. “Atin pong tandan, BIDA ang may tatak para sa ligtas na pamilya at ligtas na bayan”, sambit nito.
Sa kategoryang “Local Government Unit as Issuing Authority in Highly Urbanized City (HUC)”, umani ng parangal ang lungsod ng Pasay (2,181 seals issued) at Makati (3,538 seals issued). Nanguna ang Quezon City (5,800 seals issued) na personal na tinanggap ni Mayor Joy Belmonte.
Sa kategorya naman ng “DILG as issuing authority in HUC” ay ang DILG-Quezon City (247 seals issued) at DILG-Manila City (557 seals issued) ang mga nanguna.
Binigyang parangal din ang mga ahensya na kabilang sa Technical Working Group ng programa.
Vaccination Certification Program (VaxCertPH)
Tumuloy ang programa sa ikalawang bahagi sa mensahe ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Emmanuel Caintic, kung saan inanunsyo nito na ang VaxCertPH ay kinikilala na sa 69 na bansa. Pahayag pa nito, nasa 2.1 milyon na ang nakakuha nito na may 88% success rate. Nangako naman si Sec. Caintic na kanilang bibisitahin ang mga lungsod na may mataas na data backlog rate at tuluy-tuloy na magbabahagi ng teknikal na suporta sa mga LGU upang mapabilis at mapaigi ang programang ito.
Isa ang lungsod ng Marikina na kinilala sa pambihirang performance at kontribusyon sa VaxCertPH.
National Vaccination Days (NVD)
Para sa National Vaccination Days Part IV, iginiit ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Secretary Vivencio Dizon na ang pagluwag sa mga health protocols ay bunga ng pagtutulungan ng lahat ng ahensya, lalo na ang mga pilipinong nagpabakuna. “Hindi pa po tapos ang ating trabaho,” giit nito kahit mahigit na sa 65 milyon ang fully vaccinated sa bansa.
Kinilala naman ang lungsod ng Taguig sa NCR para sa kanilang kontribusyon sa nahuling NVD nitong buwan ng Marso.
Samantala, ginawaran din ng IATF ang SM Supermalls, “for providing a safe place for consumers, aiding spaces for vaccination and aiding in communicating helpful information through events.”
Sa isang video, nagpaabot si Department of Health (DOH) Secretary Francisco T. Duque III ng pasasalamat, “Bagaman ang pambansang ahensya ang naglungsad ng mga programa, ang ating mga lokal na pamahalaan ang nagpatakbo at nagpaabot nito sa ating mga kababayan, kaya naman taus-puso ang pasasalamat ng DOH sa mga Local Chief Executives (LCEs), para sa patuloy na pagpupursigi at paghahatid ng serbisyong walang kapaguran.”
Ganito rin ang saad ni Senator Christopher Bong Go sa isang video, “The excellent work of the LGUs we recognized today will set a standard for public service especially in managing a health crisis.”
Sa huli, ipinakita ang recorded na mensahe ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte, “May this inspire other LGUs to work harder in promoting the welfare of the general public, including tourists visiting our country.”
Dumalo rin sa pagdiriwang sina DILG Usec. Jonathan Malaya, DILG-NCR Regional Director Ms. Maria Lourdes Agustin, DOH Usec. Elmer Punzalan, DOH-Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria Balboa, at Philippines Communications Operations Office (PCOO) Usec. George Apacible.
Ang mga nagwaging lungsod ay ginawang ng sertipiko at Gift Certificates mula sa SM Supermalls.