MMCHD News Release No.039
March 18, 2022
Pinalawig pa ng Teleperformance Philippines ang pakikiisa nito sa malawakang bakunahan na ginanap noong ika-18 ng Marso 2022 nang kanilang pasinayaan ang paglulunsad ng Bakuna Nights sa Teleperformance sa lungsod ng Mandaluyong.
Sa sunod-sunod na pagbubukas ng mga vaccination sites sa mga sangay ng Teleperformance, muli na namang naging matagumpay ang paglulunsad ng bakuna nights sa Teleperformance EDSA Central IT Center, Mandaluyong katuwang ang lokal na pamahalaan ng lungsod at ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD).
Matatandaan na bago pa magsimula ang National Vaccination Day (NVD) IV ay una ng naglunsad ng bakunahan ang Teleperformance sa Makati. Mula noon ay itinakda na ang pagbubukas ng mga vaccination site sa iba pa nitong mga sangay.
Layon ng Teleperformance na mabigyan ng proteksyon laban sa COVID-19 ang bawat manggagawa nito gayundin ang mga kapamilya nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng bakuna. Ang inisyatibong ito ng Teleperformance ay patunay rin na nakikiisa ito sa hakbang ng DOH-MMCHD sa paglulusad ng “Jabs in Jobsites”.
Nagpasalamat naman si Dr. Kezia Lorraine Rosario ng National Vaccination Operation Center (NVOC) sa suporta at inisyatibo ng Teleperformance na magbukas ng vaccination site sa kanilang opisina upang mabigyan ng agarang serbisyo sa mga empleyado ng kumpanya.
Ayon naman kay DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa, nakahanda ang City Health Department ng Mandaluyong sa pagbibigay ng karagdagang manpower sa mga bakunahan para sa patuloy na usad ng operasyon ng bakuna nights sa Teleperformance.
Pinangunahan naman ni Dir. Balboa at Dr. Arnold Abalos, City Health Officer ng Mandaluyong ang Ceremonial Vaccination. Ito'y kung saan buong pamilya ng Chief Operating Officer ng Telepeformance na si Mr. Joey Marquez ang binakunahan.
Nagpabakuna rin ang Vice President of Operations ng Teleperformance na si Mr. Eddie Ramer II kasama ang Octagon Site Director na si Mr. Ryan Sumera na kasama rin pinabakunahan ang kanyang dalawang anak.
Samantala, kabilang rin sa mga dumalo sa maiksing programa para sa paglulunsad ng Bakuna Nights sa Teleperformance, Mandaluyong sina Local Health Support Divison Chief na si Dr. Amelia Medina, Family Health Cluster Head na si Dr. Janice Rojas-Malesido at Infectious Disease Prevention and Control Cluster Head na si Dr. Adorissa Jurao.