LATEST NEWS

TB ORIENTATION, ISINAGAWA SA PAGSALUBONG NG WORLD TB DAY

MMCHD News Release No.037
March 21, 2022

Nagsagawa ang Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ng TB Orientation ngayong araw ng Lunes, ika-21 ng Marso, 2022 bilang pagsalubong sa World TB Day.

Ang World TB Day ay taunang ginugunita tuwing ika-24 ng Marso, kung saan ngayong taon ay may tema itong "Invest to End TB. Save Lives".

Ayon kay DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa, upang makamit ang layon na maging TB free ang bansa ay kinakailangang mapababa muna ang bilang ng mga kaso at mga namamatay dahil sa nasabing sakit.

Aniya, huwag matakot o mahiya ang isang indibidwal na mayroong sakit na TB dahil ito ay nalulunasan at mayroong ibinibigay na libreng gamot ang gobyerno.

Ipinabatid naman ni USAID's TB Platform Technical Team Lead Dr. Karen Dalawangbayan, na ang paggunita sa darating na World TB Day ay hindi lamang para alalahanin ang pagkatuklas ng TB bacteria kundi itaas din ang kalamayan ng publiko sa nasabing sakit.

Tinalakay naman ni Dr. Marco Antonio Valeros, Medical Officer mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa isinagawang TB Orientation, ang mga alituntunin at polisiya patungkol sa TB sa mga opisina.

Iginiit rin nito na ang karamihan sa tinatamaan ng TB ay ang mga mangagawa na umano’y malaking epekto sa produksyon. Kaya naman muling ipinaalalahanan nito ang DOLE Department Order 73-05, na nagsasabing hindi lamang ang kaligtasan at kalusugan ng mga mangagawa ang kanilang binibigyang pansin kundi pati narin sa isyung psychosocial - compensation & benefits, job security at iba pa.

Samantala, ang nasabing virtual orientation ay ipinalabas rin sa Official Facebook Page ng DOH-Health Promotion Unit (DOH-HPU) na siyang naging daan upang maipabatid ang mga tanong ng publiko hinggil sa aktibidad.