MMCHD News Release No.035
March 16, 2022
Ipinagkaloob ng Pitmaster Foundation Inc. ang mga Type 1 Ambulance sa lahat ng Local Government Units (LGUs) sa National Capital Region (NCR) sa isang Turnover na matagumpay na ginanap sa tanggapan ng Metro Manila Development Authority (MMDA), katuwang ang Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) nitong ika-16 ng Marso, 2022.
Malugod na tinanggap ni MMDA Undersecretary Frisco S. San Juan Jr. ang lahat ng panauhin sa kanilang tanggapan kabilang na ang mga kawani ng Pitmaster Foundation, Inc., DOH-MMCHD at mga kinatawan ng mga City Health Offices. Simula pa lamang ay laking pasasalamat na ng MMDA sa organisasyon sa malaking tulong na ito.
Aniya naman ng Executive Director ng Pitmaster na si Atty. Caroline P. Cruz, ito ay bahagi ng kanilang inisyatibo sa pagresponde sa COVID-19 at mapatatag ang Universal Health Care sa bansa. Diniin nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga ambulansya upang mailigtas ang mga may sakit at nanganganib. Dagdag pa nito na ito ay sa kagustuhan ng kanilang Chairman Charlie “Atong” Ang, “to give back to the Filipino people”.
Nagpasalamat si Atty. Cruz na naging mahigpit ang DOH-MMCHD sa paggabay sa kanila upang siguruhin ang kalidad ng mga ambulansya na ibabahagi sa LGU.
Sa pahayag naman ni MMDA Chairman Atty. Romando S. Artes, ipinagmalaki nito ang mabilis na pagtugon ng Pitmaster Foundation Inc., lalo na sa paglampas sa pagsubok nitong Enero kung saan nagkaroon ng pagsipa sa kaso ng COVID-19. Giit din nito na nagtatanong pa ang organisasyon sa MMDA sa iba pang pangangailangan ng mga LGU.
Tinalakay naman ni DOH-MMCHD Regional Director Gloria Balboa na ang pangangailangan sa mga ambulansya na pasok sa tamang kalidad ay nag-ugat pa noong unang kasagsagan ng pandemya, kung saan ang One Hospital Command Center (OHCC) ay nasa tanggapan pa ng MMDA. Nangailangan ng sapat na ambulansya sa pagtransport ng mga may COVID-19 papunta sa pinakamalapit na health facility para sa tama at agarang lunas.
Binigyang diin rin nito na ang mga ambulansya ay nararapat lamang na gamitin para sa mga tunay na health emergency.
Sa huli, nilagdaan ng Pitmaster Foundation Inc., MMDA, at DOH-MMCHD ang Deed of Donation o katunayan ng donasyon ng mga ambulansya.
Maaalala noong buwan ng Enero nang magbigay din ang organisasyon ng P50 million cash, P50 million halagang Antigen test kits at mga health kits.