MMCHD NEWS RELEASE NO.034
MARCH 14, 2022
Nakiisa ang Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa paglulunsad ng RESBAKUNA sa Jollibee Pateros, ngayong araw ng Lunes ika-14 ng Marso, 2022.
Ayon sa Jollibee Pateros franchise owner na si Ms. Maureen Ferrer, isang karangalan para sa kanila ang maging bahagi ng progreso ng munisipalidad ng Pateros. Inanunsyo rin nito na kanilang tatanggapin sa pagbabakuna kahit hindi residente sa lungsod.
Tinatanaw naman ito ni Pateros Mayor Miguel "Ike" Ponce III bilang utang na loob dahil sa pagpayag ng Jollibee Pateros na maging bahagi sa programa ng lungsod na pagbabakuna laban sa COVID-19.
Dagdag pa ni Mayor Ponce, mayroon na namang bagong variant ng COVID-19 na tinatawag na Deltracron, at bagaman hindi pa ito nakakapasok ng bansa ay kailangang matiyak na mayroong proteksyon laban sa COVID-19 ang bawat mamamayang Pilipino.
Iginiit naman ni DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa na huwag magpakampante ang publiko sa kabila ng pagluluwag ng COVID-19 restrictions sa Metro Manila lalo na’t may binabantayang bagong variant ng COVID-19.
Kaya naman hinihikayat nito ang publiko na magpabakuna na laban sa COVID-19 pati na mga bata upang magkaroon ng proteksyon sa kanilang pagpasok sa face-to-face classes.
Binigyang linaw rin ni Director Balboa, na mahalaga na matanggap ang booster doses dahil bumababa rin ang immunity ng isang indibidwal na nakatanggap ng dalawang doses ng COVID-19 pagsapit ng tatlong buwan o higit pa.