MMCHD News Release No.033
March 12, 2022
Ginanap ang pagtatapos ng Jab Fair in NCR sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison sa lungsod ng Muntinlupa nitong ika-12 ng Marso, 2022.
Sa pinakaunang pagkakataon, may ginanap na programa na may inanyayahang mga pinuno at media sa loob ng Maximum Security Compound at ito ay para sa pagbabakuna ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Mainit na tinanggap ni Deputy Director General for Administration and Operations Assistant Secretary Gabriel Chaclag ang mga panauhin mula National Task Force Against COVID-19 (NTF), Metro Manila Development Authority (MMDA), at DOH - Metro Manila Center for Health (DOH-MMCHD).
Sa ngalan naman ng Muntinlupa City Mayor Atty. Jaime Fresnedi, nagpahayag ng kagalakan si Officer-in-Charge City Health Officer (OIC-CHO) Dr. Juancho Bunyi sa magandang hakbang na ito tungong proteksyon.
Iniulat ni DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa na nasa 96% na ang fully vaccinated with booster sa mga empleyado ng Bureau of Corrections (BuCor) sa kabuuan, ngunit patataasin pa ang bilang ng kumpleto sa second dose at booster para sa ilang empleyado at karamihan ng mga PDLs.
Giit pa ni Dir. Balboa, ang mga PDLs ay "ating mga kapatid at kapwa pilipino", kung kaya't sila rin ay kabilang sa pilit na binibigyang proteksyon ng pamahalaan.
Sinegundahan naman ito ni MMDA Undersecretary Frisco San Juan, Jr. kung saan kaniyang diniin na ang pagbabakuna ay hudyat ng pagmamahal sa kapwa. Binigyang pugay din nito ang NTF para sa lahat ng kanilang matagumpay na panukala kontra COVID-19.
Samantala, nirekomenda ni NTF Chief Implementer Secretary Carlito Galvez na maganda ring mabakunahan ang mga kamag-anak ng mga PDLs at empleyado ng BuCor. Dagdag pa nito na ang mga PDLs ay hindi pababayaan ng pamahalaan, dahil ang bakuna ay nararapat ano man ang katayuan sa buhay.
Ginanap ang symbolic vaccination kung saan binakunahan ang tatlong PDLs ng kanilang second dose AstraZeneca. Ito ay pinangunahan nina MMCHD Dir. Balboa, Muntinlupa OIC-CHO Dr. Bunyi, at BuCor Chief Medical Officer Dr. Henry Fabro.
Pinalawig naman ang National Vaccination Days IV hanggang sa Martes, ika-15 ng Marso para sa mga hindi pa nakakapagpabakuna ng booster doses at sa Biyernes, ika-18 ng Marso upang magbigay ng sapat na panahon para sa mga Senior Citizens na hindi pa nakakakumpleto ng kanilang pagbabakuna laban sa COVID-19.