MMCHD News Release No.032
March 11, 2022
Sa ikalawang araw ng Jab Fair sa NCR, patuloy ang pagsanib pwersa ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) at ng mga lokal na pamahalaan sa pagbabakuna sa publiko.
Tampok sa ikalawang araw ng National Vaccination Day ang bakunahan sa Plaza Miranda, Quiapo, Manila kung saan pinilahan ng mga parokyano ng Quiapo ang vaccination site na itinayo sa labas mismo ng simbahan. Kasama si Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando “Don” Artes, sinilip nila ni Regional Director Gloria J. Balboa ang bakunahan na nag-aalok ng 1st dose, 2nd dose at booster dose sa lahat ng pupunta sa araw ng Quiapo, tuwing Biyernes
Bumida rin ang bakunahan sa New Frontier Theater sa Quezon City na siya namang dinaluhan ng Australian Ambassador na si Mr. Steven J. Robinson, AO ng Australian Aid at Chief Implementer ng National Task Force Against COVID-19, Secretary Carlito Galvez Jr. sa mensahe ni Secretary Galvez ay pinasalamatan niya ang Australian Aid hindi lamang sa pagiging katuwang sa peace process kundi pati na rin sa kampanya ng bansa laban sa COVID-19.
Maliban sa vaccination site sa New Frontier Theater, bukas din ang COVID-19 vaccination sa Robinsons Magnolia na siyang pinamahalaan ng mga military health care workers mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Agaw pansin din dito ang kanilang mala-Star Wars na theme na siguradong kagigiliwan ng mga mababakunahan dito.
Ang Teleperfomance sa Fairview Terraces at Insight Direct ng Pasig ay nakilahok din sa “Jabs in Jobsites” ng NCR upang pabakunahan ang kanilang mga empleyado nang hindi lumalayo sa kanilang opisina o bahay. Layon ng pagbabakuna na ito na magbigay ng ginhawa at dagdag na accessibility sa pamamagitan ng pagtatayo ng vaccination site sa kanilang opisina.
Sa Pasig, kasama naman ni Director Balboa sina MMCHD Assistant Regional Director Aleli Sudicacal, Local Health Support Division Chief Dr. Amelia Medina at Mayor Vico Sotto sa pagbista sa Insight Direct upang mag-abot ng pasasalamat dahil sa suporta nito sa adhikain ng lokal na pamahalaan sa COVID-19 response.
Itinuturing na kauna-unahang “Bakuna Nights” ng Pasig ang pagtatayo ng vaccination site sa Insight Direct at buo ang suporta ng punong lungsod ng Pasig. Ani Mayor Sotto “the goal is to bring COVID-19 vaccination nearer to our workplaces”.
Sa patuloy na pag-iikot at pagsusuyod ng DOH-MMCHD sa mga hindi pa nababakunahan laban COVID-19, inaasahan na sa tatlong araw ng National Vaccination Day IV ay tataas pa ang bilang ng mga magpapabakuna lalo pa at sinailalim na sa Alert Level 1 ang NCR.