LATEST NEWS

IKA-APAT NA BUGSO NG NATIONAL VACCINATION DAYS, UMARANGKADA NA

MMCHD NEWS RELEASE NO.031
MARCH 10, 2022

Umarangkada na ang ika-apat na bugso ng National Vaccination Days ngayong araw ng Huwebes, ika-10 ng Marso 2022.
Ito'y kung saan nagkaroon muli ng COVID-19 Vaccination Site Rounds ang Department of Health (DOH) kasama ang ilang ahensya ng gobyerno sa ilang piling bakunahan sa Metro Manila.

Unang pinuntahan ng mga kawani ng DOH ngayong araw ang Philippine Medical Association (PMA) sa pangunguna nina Secretary Francisco Duque III, Undersecretary Elmer Puzalan at Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) Regional Director Gloria Balboa kasama sina National Task Force (NTF) Special Adviser Dr. Teodoro Herbosa at Esperanza Anita Escano, Officer-In-Charge ng Quezon City Health Department.

Sa maiksing programa, lubos na tinanggap ni Dr. Benito Atienza, Presidente ng PMA ang mga panauhin at maging ang mga kaibigan sa media.

Ayon kay Dr. Atienza, ang aktibidades na isinasagawa ng DOH kasama ang PMA para sa National Vaccination Days 4 ay mahalaga upang mabigyan ng proteksyon ang bawat mamamayang Pilipino ngayong inilagay na ang Metro Manila sa Alert Level 1 at bilang paghahanda sa nalalapit na eleksyon, kaya naman hinihikayat nito ang publiko na magpabakuna na laban sa COVID-19.

Nagpapasalamat naman si Secretary Duque sa PMA dahil sa suporta na ibinibigay nito sa DOH lalo na sa programang pagbabakuna kontra COVID-19.

Ipinagbigay alam naman nito na tinatayang nasa 1.8 million ang bilang ng target na mabakunahan ngayong National Vaccination Days 4 na pawang mga senior citizens at 12 hanggang 17 labing taong gulang na mga bata na hindi pa nababakunahan ng second dose habang booster doses naman ang target na maibakuna sa mga health at economic sector.

Tiniyak naman ni Dir. Balboa na tuluy-tuloy lamang ang operasyon ng mga bakunahan sa bansa, pero ngayong National Vaccination Days ay mas tututukan sa Metro Manila ang mga workforce gaya ng pampubliko at pribadong kumpanya, simbahan, at kulungan na marami pang hindi pa nababakunahan para sa primary doses at booster doses.

Bukod sa PMA, binisita rin ng mga kawani ang bakunahan sa Saint Peter and John Parish sa lungsod ng Malabon kung saan pinasasalamatan naman ni Mayor Antolin Oreta III si Dir. Balboa sa pagbisita nito.

Samantala, inaasahang magtutuloy ang isinasagawang COVID-19 Vaccination Site Visit ng mga kawani ng DOH at ilan pang ahensya ng gobyerno sa ilang piling bakunahan bukas, araw ng Biyernes ika-11 ng Marso, 2022.