MMCHD News Release No.027
March 8, 2022
Umarangkada na ang pagbabakuna ng booster shot sa mga empleyado ng Business Process Outsoursing (BPO) Industries sa Metro Manila, ngayong araw ng Martes, ika-8 ng Marso, 2022. Hudyat ito ng pagsisimula ng ika-apat na bugso ng Bayanihan Bakunahan sa Metro Manila na may temang “JABS IN JOB SITES”.
Sa kick-off activity, ay nagbigay ng paunang mensahe ang Senior Vice President ng Human Capital Resource Management ng Teleperformance na si Mr. Jeffrey Johnson. Aniya, “To get vaccines straight to the workplace is a great opportunity, to keep everybody safe and at the same time the government to provide a vital service”. Nilinaw rin nito na bukas ang pinto ng Teleperformance para sa mga indibidwal na magwawalk-in para magpabakuna.
Nagpasalamat naman si Usec. Benjo Benavidez ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga BPO industries, partikular na sa Teleperformance dahil sa hakbang na ito na naglalayong mabigyan ng proteksyon laban sa COVID-19 ang bawat manggagawa nito at maging ang mga kapamilya nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng bakuna.
Ayon naman kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., mahalaga na magkaroon ng dagdag na proteksyon ang bawat mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapaturok ng booster shot lalo na ngayong isinailalim ang Metro Manila sa Alert Level 1 kung saan pinapayagan na ang anomang aktibidad sa isandaang porsyentong kapasidad.
Samantala, kasabay ng pag-arangkada ng Jabs in Jobsites ay ilulunsad din ang “Vaxx To School” katuwang ang Department of Education (DepEd), “Tutok Bakunahan sa Bilihan” at ang Opal: Inside Jab kung saan layon na mabakuhan ang 4,443 unvaccinated na Persons Deprived of Liberty (PDLs) bilang bahagi ng ika-apat na bugso ng Bayanihan Bakunahan sa ika-10 hanggang 12 ng Marso, 2022.
Inaasahan na sa pamamagitan ng paglulusad ng Jabs in Jobsites sa Teleperformance ay magbubukas na rin ang iba pang mga vaccination site sa mga pribadong kompanya, partikular sa mga BPO companies.