CMU NEWS RELEASE NO.024
MARCH 4, 2022
Inaanyayahan ang publiko ni Dr. Gloria J. Balboa, Regional Director ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) na lumahok sa isasagawang “Jab Fair sa NCR” sa darating na March 10-12, 2022.
Sa panayam kay Director Balboa nina Mr. Allan Hobrero at Mr. Hero Robregado sa programang Tropang Bistag ng Radyo Pilipinas nitong March 3, 2022, inihayag nito na ang gaganaping “Jab Fair sa NCR” ay bahagi ng National Vaccination Days Part IV o Bayanihan Bakunahan 4.
Idiniin ni Director Balboa, bagaman nakamit na ng Metro Manila ang 80% ng target population o tinatawag na population protection ay kinakailangan paring magpa-booster upang mapanatili ang immunity at anti-bodies sa katawan mula sa dalawang doses na pagbabakuna.
Aniya, mas lalong kailangan ng taumbayan ang booster dose upang magsilbing added protection ngayong inilagay na ang Metro Manila sa Alert Level 1 kung saan niluwagan na ang karamihan sa mga safety protocols sa rehiyon.
Kaya naman nananawagan si Director Balboa sa publiko na magpabakuna sa isasagawang “Jab Fair sa NCR” sa darating na March 10-12, 2022. Ito ay upang mabakunahan na ang mga natitirang hindi pa nababakunahan kahit First dose, maging ang mga vulnerable groups gaya ng Senior Citizens, Persons with co-morbidities at mga kabataan na nasa edad 5 hanggang 11 taong gulang at 12 hanggang 17 taong gulang.
Iginiit pa nito na ang pagbabakuna sa mga kabataan ay tulay upang mabigyan ang mga ito ng proteksyon sa muling pagbabalik ng face-to-face classes sa Metro Manila.
Samantala, umaasa naman si Director Balboa na marami pa ang mga kababayang Pilipino ang magpapabakuna at patuloy na susunod sa minimum public health standards upang magtuluy-tuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 at makamit na ng bansa ang endemic o pagtatapos ng pandemya bunsod ng COVID-19.