HPCMU NEWS RELEASE NO.021
MARCH 1, 2022
Sinimulan na ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang Wall-to-Wall Count ng mga bakuna kontra COVID-19 at mga kagamitan na ginagamit sa pagbabakuna nitong ika-23 ng Pebrero, 2022.
Naglalayon itong tiyakin ang integridad ng mga bakuna kontra COVID-19 at mga kagamitan na ginagamit sa pagbabakuna sa lahat ng COVID-19 Vaccine Storage, Vaccination Hubs at Health Facilities sa rehiyon. Layunin rin nitong itama ang anumang mga pagkakaiba sa talaan ng imbentaryo at pagtugmain ang imbentaryo ng mga bakuna at mga kagamitan na gagamitin sa pagbabakuna.
Sa unang araw ng Wall-to-Wall Count, unang pinuntahan ng DOH-MMCHD ang Tondo Medical Center, Chinese General Hospital, at Navotas City Cold Chain.
Isinagawa naman ang ikalawang araw ng Wall-to-Wall Count noong ika-24 ng Pebrero, kung saan nagtungo naman ang DOH-MMCHD sa ORCA Cold Chain Solutions, Lakeshore Vaccination, BGC High Street at SM Aura sa lungsod ng Taguig.
Samantala, inaasahan namang magsasagawa ang DOH-MMCHD ng Wall-to-Wall Count sa mga susunod na araw sa Marikina City Health Office, Philippine Red Cross, New Era General Hospital at iba pa.
Ang pagbibilang at pagtatama ng imbentaryo ay ipapatuloy hanggang sa ika-10 ng Marso, 2022 at inaasahang ito ay magiging regular na pagsasanay ng mga kawani ng COVID-19 Vaccine Storage, Vaccination Hubs at Health Facilities kada anim na buwan.