HPCMU NEWS RELEASE NO.020
FEBRUARY 28, 2022
Naging matagumpay ang isinagawang symbolic vaccination sa pangunguna ng Department of Health (DOH), Metropolitan Manila Development authority (MMDA), at SM Supermalls sa SM Bicutan sa lungsod ng Paranaque na hudyat ng pag-arangkada ng MMDA Mobile Vaccination nitong ika-24 ng Pebrero, 2022.
Ayon kay Mr. Bien Mateo, SM Supermalls Senior Vice President ipinagmamalaki nito na maging bahagi ng programang ito ng MMDA, DOH, at lokal na pamahalaang lungsod ng Paranaque na naglalayong ilapit ang pagbabakuna sa bawat mamamayang Pilipino.
Nangangako rin ito na mananatiling bukas ang SM Supermalls na makipagtrabaho sa ibat ibang ahensya upang maipagpatuloy lamang ang pagbibigay ng ligtas at maginhawang pagbabakuna hindi lamang sa National Capital Region (NCR) kundi sa buong bansa.
Ikinatutuwa naman ni Paranaque Councilor Wahoo Sotto ang hakbang na isinasagawa ng MMDA upang mailapit sa publiko ang pagbabakuna laban sa COVID-19. Lubos rin nitong pinasasalamatan ang SM Supermalls sa pagbubukas ng pinto nito at pagpapagamit ng kanilang lugar para sa bakunahan.
Samantala, ikinalulugod rin ni Dr. Gloria Balboa, Regional Director ng DOH-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang pagkakaisa sa buong NCR hindi lamang mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan kundi maging ng mga pribadong kumpanya upang mabakunahan at mabigyan ng proteksyon ang bawat mamamayang Pilipino laban sa COVID-19.
Iginiit rin nito na gaano man kahirap ang suliranin ngayon bunsod ng pandemya, kung ang lahat ay magtutulungan lahat ay kakayanin. Kaya naman hinikayat nito ang mga nagpunta sa SM Bicutan na magpabakuna na at huwag kakalimutan magpabooster makaraan ang tatlong buwan upang ma-boost ang immunity laban sa COVID-19.