HPCMU NEWS RELEASE NO.019
FEBRUARY 28, 2022
Nakiisa ang Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa isinagawang inagurasyon at pagbibigay basbas sa bagong tayong Mayor Delfin C. Salonga Health Center sa Munisipalidad ng Pateros noong ika-24 ng Pebrero, 2022.
Taos puso namang nagpapasalamat ang Municipal Health Officer ng Pateros na si Carmencita P. Ison sa DOH-MMCHD dahil sa pagbibigay ng pondo sa pamamagitan ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP), na umano’y naging tulay upang maisakatuparan ang pagpapatayo ng Mayor Delfin C. Salonga Health Center.
Ayon naman kay Pateros Mayor Miguel “Ike” Ponce, ang bagong Health Center na ito ay itinayo para sa mga residente ng Pateros lalung lalo na ang mga naninirahan sa Barangay Sto. Rosario Silangan at Sto. Rosario Kanluran.
Tiniyak naman ni Mayor Ponce na mula sa 13 Milyong Pisong ipinagkaloob ng DOH upang maipatayo itong Health Center ay wala itong bahid na korapsyon at lahat ng pondo ay napunta sa Mayor Delfin C. Salonga Health Center.
Bukod sa pagtiyak na mayroong mga kalidad na health centers sa munisipalidad, ay sinisiguro rin ni Mayor Ponce na tuloy-tuloy ang pagbabakuna kontra COVID-19 maging sa mga batang nasa edad 5 hanggang 11 taong gulang.
Samantala, nagpapasalamat rin si Dr. Aleli Annie Grace P. Sudiacal, Assistant Regional Director ng DOH-MMCHD sa pag imbita sa inagurasyon at pagbibigay basbas sa Mayor Delfin C. Salonga Health Center.
Ipinabatid naman nito na patuloy na susuporta ang DOH-MMCHD sa mga programa ng Pateros at mga adhikain nito upang patuloy na mapabuti ang kondisyong pangkalusugan ng bawat residente sa lungsod lalo na ngayong panahon ng pandemya bunsod ng COVID-19.