LATEST NEWS

PEDIATRIC VACCINATION DRIVE PARA SA MGA ANAK AT APO NG MGA EMPLEYADO NG KAGAWARAN NG KALUSUGAN, UMARANGKADA NA

HPCMU NEWS RELEASE NO.016
FEBRUARY 17, 2022

Umarangkada na ang Pediatric Vaccination Drive para sa mga anak at apo ng mga empleyado ng Kagawaran ng Kalusugan, ngayong araw ng Huwebes, ika-17 ng Pebrero, 2022.

Ito ay kung saan nagsagawa ng symbolic vaccination ang Kagawaran sa SM City San Lazaro, sa pangunguna nina Secretary Francisco Duque III, Undersecretary Myrna Cabotaje, Assistant Secretary Elmer Punzalan, Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) Regional Director Gloria Balboa at Health Promotion Bureau Director, Dr. Beverly Ho.

Kabilang sa mga binakunahan para sa symbolic vaccination ay mismong pamangkin at apo ni Usec Cabotaje.

Ayon kay Usec Cabotaje, ang aktibidad ngayong araw ay hindi lamang isang regular na vaccination event, kundi ito ay isang pagtanggap ng hamon na pabakunahan ang mga anak at apo ng mga empleyado at opsiyal ng Kagawaran ng Kalusugan upang patunayan na ang mga bakuna kontra COVID-19 ay ligtas at epektibo.

Ang kanila rin aniyang pagbabakuna laban sa COVID-19 at isang desisyon na maprotektahan ang kanilang mga sarili, gayundin ang mga kasama sa bahay, ka-trabaho at maging sa sambayanang Pilipino.

Nagpapasalamat naman si Secretary Duque sa SM Supermalls at sa pamilyang Tan dahil sa patuloy na pagsuporta sa programa ng gobyerno at pagpayag na paggamit ng kanilang mga pasilidad upang maipatupad ang RESBAKUNA Kids para sa mga anak at apo ng mga empleyado ng kagawaran.

Nangako naman si Mr. Steven Tan, SM Supermalls President na mananatili silang nakatuon sa pagtulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng ligtas na lugar para sa bakunahan sa kanilang mga malls sa buong bansa.

Ikinalulugod rin nitong i-anunsyo, na simula buwan ng Marso taong 2021 ay papalo na sa halos 9 million ang bilang ng mga Pilipinong nabakunahan sa mga SM Supermalls.