HPCMU NEWS RELEASE NO.014
FEBRUARY 14, 2022
Matagumpay na binuksan ang bakunahan para sa mga batang edad 5-11 taong gulang sa The Theater ng Solaire Resort sa lungsod ng Parañaque, nitong araw ng Lunes, ika-14 ng Pebrero, 2022.
Ito ay kung saan nagkaroon ng ceremonial vaccination at press conference sa unang araw ng pagbubukas ng Solaire ng bakunahan para sa mga 5-11 taong gulang.
Malugod namang tinanggap nina Mr. Christian Gonzales, International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) Executive Vice President at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang mga opisyal na dumalo para sa pagbubukas ng bakunahan.
Ayon kay Mayor Olivarez, matapos ang unang linggo ng pagsisimula ng pagbabakuna sa mga kabataang may edad 5-11 taong gulang, ay halos nasa 8,000 na ang bilang ng mga kabataan na nabakunahan sa lungsod. Nilahad rin nito na nananatiling bukas ang lungsod sa kung sinumang gustong magpabakuna mula sa ibang siyudad.
Naniniwala naman si National Task Force (NTF) Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Secretary Vivencio “Vince” Dizon, na isang hakbang ang pagbubukas ng bakunahan sa Solaire sa muling pagbabalik ng face-to-face classes ng mga kabataan.
Sinangayunan rin ito ni NTF Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez, Jr. at binigyan rin ng karangalan ang mga magulang na nagpasiyang pabakunahan ang kanilang mga anak. Aniya ang pagbibigay proteksyon sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagbabakuna sa mga ito ay hudyat ng pagmamahal sa kanilang mga anak. Tiniyak naman nito ang kaligtasan ng mga bakuna at nagpasalamat sa mga pribadong kumpanyang tumutulong sa mga adhikain ng pamahalaan.
Ipinagmamalaki naman ni Health Secretary Francisco T. Duque III, ang pagkakawanggawa ng mga pribado at pampublikong sektor na buong pwersang nagtutulungan para sa pagbibigay ng proteksyon sa bawat mamamayang Pilipino. Muli rin nitong hinihikayat ang lahat na samantalahin ang pagkakataon na makapagpabakuna ng libre, epektibo, ligtas at dekalidad na bakuna.
Sa huli, ito ay nagpasalamat sa Solaire group at ICTSI sa kooperasyon at ipinabatid ang mainit na pagbati para sa matagumpay na pagbubukas ng bakunahan.
Samantala, namigay naman ng mga cookies at lobo ang Solaire Resort, meal sets at laruan mula sa Mcdonald’s Philippines at meal sets mula sa Jollibee Foods Corporation.