LATEST NEWS

DOH-MMCHD, PATULOY NA NAG-IIKOT SA MGA VACCINATION SITES SA NCR PARA SA IKALAWANG ARAW NG BAYANIHAN BAKUNAHAN 3

HPCMU NEWS RELEASE NO.013

FEBRUARY 11, 2022

Patuloy na nag-iikot sa mga vaccination sites sa National Capital Region (NCR) ang Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) upang tiyakin ang kaayusan sa mga bakunahan at hikayatin ang iba pang mga Pilipino na hindi pa nagpapabakuna.

Ito ay bilang bahagi na rin ng ikalawang araw ng muling pagpapatupad ng National Vaccination Days Part 3 o Bayanihan Bakunahan 3 sa NCR.

Unang binisita ni DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa ngayong araw ng Biyernes, ika-11 ng Pebrero, 2022 ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Female Dormitory sa Quezon City.

Ayon kay Dir. Balboa, ang mga kalidad na serbisyong pangkalusugan ng gobyerno ay nararapat na ibigay sa bawat mamamayang Pilipino, anuman ang rehiyon nito at estado sa buhay.

Tinitiyak rin nito, na mayroong sapat na bakuna para sa BJMP sa NCR, upang masiguro na makukumpleto ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) ang kanilang mga bakuna at para masiguro na mayroong nakahandang bakuna sa lahat ng PDLs.

Ibinahagi naman ni BJMP-NCR Regional Director Jail Chief Superitendent Luisito C. Munoz, na simula ng umarangkada ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga PDLs sa BJMP-NCR noong Marso 2021, ay tinatayang nasa 96% na ang PDL na fully vaccinated.

Tiwala naman ito na aakyat sa 99% ang bilang ng mga PDLs na kumpleto ang kanilang mga bakuna pagtapos ng Bayanihan Bakunahan 3 ng DOH.

Sa huli, nagpapasalamat naman si Jail Senior Supt. Ilna Rita Maderazo, Officer-In-Charge, Directorate for Health Service ng BJMP sa pagtugon ng gobyerno sa pandemyang COVID-19 at pagtiyak ng DOH na mabibigyan ng bakuna ang bawat mamamayang Pilipino. Aniya pa “it just shows na detention health is also a public health”.

Bukod sa BJMP, binisita rin ng DOH-MMCHD ngayong araw ang Vaccination sites sa Jollibee Commonwealth Mindanao at UP Town, sa Quezon City.

Magugunitang, pinalawig pa ang National Vaccination Day Part 3 hanggang sa ika-18 ng buwan ng Pebrero, 2022.