LATEST NEWS

BAKUNAHAN PARA SA MGA BATANG EDAD 5-11 TAONG GULANG, INILUNSAD NA

HPCMU NEWS RELEASE NO.012
February 11, 2022

Makulay at masaya ang naging kaganapan sa paglunsad ng pediatric vaccination sa mga batang edad 5-11 taong gulang na ginanap sa SM Megamall nitong ika-8 ng Pebrero, taong 2022.
Nagpahayag ng kaniyang kaligayahan sa pagbabakunang ito si SM Supermalls President, Mr. Steven Tan, at sinabing ito ang magbibigay daan para sa mga kabataan na ligtas na bumalik sa pag-aaral at pamamasyal.

Hinikayat naman ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos ang mga magulang na ipa-rehistro na ang mga anak at pinaliwanag na uunahin ang mga kabataang may karamdaman o comorbidity.
Nagpahayag naman ng suporta si Metropolitan Manila
Development Authority (MMDA) General Manager Atty. Romando Artes at ibinahagi na kaniyang personal na sinusuportahan ang programang ito sapagkat siya rin ay may anak na gusto niyang mabigyan ng proteksyon at nang sila ay makabalik sa normal na buhay.

Iginiit naman ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor “Liling” Briones na sa pagpaplano ng kinabukasan para sa edukasyon ng kabataan, malaking bahagi rito ang kalusugan. Aniya, “we want to improve the face-to-face component of education”.

Nagbigay naman ng mga mensahe ng pagsuporta sina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, Department of Tourism (DoT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista at National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez.

Nagpaabot din ng mensahe si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go kung saan hinikayat niya ang mga magulang na ipaunawa ang kahalagahan ng bakuna sa kanilang mga anak.
Dumalo din sa ceremonial vaccination sina Health Assistant Secretary Elmer Punzalan at Department of Information and Communications Technology (DICT) Acting Secretary Emmanuel Rey Caintic.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, “kung wala ang bakuna na iyan, paano natin masisiguro ang magandang kinabukasan [ng mga bata]?” Diniin rin nito na ang mga bakuna ay dekalidad at epektibo at maliit lamang ang porsyento na nakararanas ng severe side effects at wala pang kabataang pumapanaw dahil sa bakuna.

Kaya nanawagan si Secretary Duque sa lahat na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa mga kamag-anak at lahat ng kakilala upang mabigyang proteksyon ang kabuuan ng bansa.

Hinatid din ni Secretary Duque ang mensahe mula sa Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung saan kanyang binigyang rekognisyon ang pag-usad sa pagbabakuna, at humiling ng kooperasyon ng pamahalaan, pribadong sektor at ng mga mamamayan upang wakasan ang pandemya.

Nagpamigay naman ng freebies ang DOH, Jollibee at McDonald’s Philippines para mga kabataang nagpabakuna.

Samantala, tuluy-tuloy ang pagbabakuna sa mga bata sa mga vaccination site sa The Podium at Additional Hills Integrated School, kung saan may mga makukulay ring disenyo, movie o cartoon characters, at mga pagkain tulad ng ice cream, popcorn at cotton candy.