HPCMU NEWS RELEASE NO. 011
February 10, 2022
Muling inilunsad ang National Vaccination Days o Bayanihan Bakunahan sa ikatlong pagkakataon sa bansa, ngayong araw ng Huwebes ika-10 ng Pebrero, 2022 na naglalayong mapataas pa ang bilang ng mga nababakunahan sa bansa.
Upang pormal na simulan ang Bayanihan Bakunahan 3, umikot sa mga vaccination sites sa Metro Manila si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, Assistant Secretary Elmer Punzalan, Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) Regional Director Gloria Balboa kasama si Secretary Vince Dizon, Deputy Chief Implementer ng National Task Force (NTF) against COVID-19 sa Mcdonald’s McKinley West at Mercury Drug St. Lukes BGC sa Taguig City at Vaccination site sa Estancia Mall sa Pasig City.
Ayon kay Secretary Dizon, ang pagbabakuna sa mga mall, botika, at maging sa mga kainan gaya ng Jollibee at Mcdo ay isang paraan ng gobyerno upang ilapit sa publiko ang bakunahan nang sa gayon ay mapadali ang pagbabakuna kontra COVID-19 ng bawat mamamayang Pilipino.
Kaya naman muling inaanyayahan ni Secretary Duque ang publiko na samantalahin ang mga programang ito ng gobyerno at magpabakuna na upang makaahon muli mula sa dagok dulot ng pandemya bunsod ng COVID-19.
Samantala, nagpasalamat naman si Taguig City Mayor Lino Cayetano sa patuloy na pagsuporta ng NTF at DOH sa lungsod lalo na sa pagpapatupad ng mga programang tiyak na makapagbibigay proteksyon sa bawat Taguigeño.