LATEST NEWS

RESBAKUNA KIDS SA METRO MANILA, UMARANGKADA NA

HPCMU NEWS RELEASE NO. 010

FEBRUARY 10, 2022

Pormal ng sinimulan ang pilot rollout ng pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga batang nasa edad 5 hanggang 11 taong gulang sa National Capital Region (NCR) nitong Lunes, ika-7 ng Pebrero, 2022.

Magugunitang, una nang inanunsyo ng Malakanyang ang pagbabakuna sa mga batang nasa edad 5 hanggang 11 taong gulang sa mga sumusunod na vaccination sites sa Metro Manila:

1. Philippine Heart Center (PHC)

2. Philippine Children's Medical Center (PCMC)

3. National Children's Hospital (NCH)

4. Manila Zoo

5. Fil-Oil Arena, San Juan City; at

6. SM North EDSA Skydome

Ito ay kung saan pinangunahan ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, Assistant Secretary Elmer Punzalan at Metro Manila Center for Health Development Director Gloria J. Balboa, ang pilot rollout ng RESBAKUNA Kids sa Philippine Children's Medical Center.

Nananawagan naman si Secretary Duque sa mga magulang na tulungan ang gobyerno sa pagpapakalat ng impormasyon hinggil sa pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga batang edad 5 hanggang 11 taong gulang at hikayatin ang iba pang mga magulang na nananatiling nag-aalangan na pabakunahan ang kanilang mga anak.

Samantala, bilang pagsuporta sa programa ng gobyerno na pagbabakuna kontra COVID-19 dinaluhan naman nina National Task Force (NTF) against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galves Jr., NTF Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon, National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Karl Kenrick Chua at Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya at Undersecretary Epimaco Densing ang iba't ibang vaccination sites sa Metro Manila.