LATEST NEWS

LUNGSOD NG MANDALUYONG, NAKATANGGAP NG LIMANG AMBULANSYA MULA SA DOH-MMCHD

HPCMU News Release No. 009

January 28, 2022

Naging matagumpay ang pagbibigay ng limang Type 1 Ambulance ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa lungsod ng Mandaluyong, kahapon araw ng Huwebes, ika-27 ng Enero, 2022.

Ito ay sa pangunguna ng Health Facilities Enhancement Program Management Unit (HFEPMU) ng MMCHD na naglalayong makapagbigay ng magandang kalidad ng ambulansya, mapabilis ang serbisyo publiko at maihatid ng ligtas ang mga pasyente sa mga health facilities.

Umaasa naman si DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa, na sa pamamagitan ng karagdagang limang ambulansya na naipamahagi sa lungsod ng Mandaluyong ay mas maraming pasyente ang matutulungang maihatid sa mga ospital lalo na ngayong nananatili ang pandemya bunsod ng COVID-19.

Lubos namang nagpasalamat sina Dr. Arnold C. Abalos, Officer-in-Charge ng City Health Office (CHO) ng Mandaluyong, National Center for Mental Health (NCMH) Transportation Section Representative Mr. Rovigildo Dante, at ang kumatawan kay Mandaluyong Representative Neptali "Boyet" Medina Gonzales II na si Mr. Toshio Emadin Tuya Jr. dahil sa ipinagkaloob na limang ambulansya ng DOH-MMCHD.

Ang limang ambulansya ay inaasahang ipapamahagi ng lungsod ng Mandaluyong sa Saniboy Health Center, Block 37 at 37 Health Centers, Communication Command and Control Center (C3) Mandaluyong, Vergara Health Center, at NCMH.