HPCMU News Release No.008
January 27, 2022
Muling nagbahagi ng tulong ang PITMASTER Foundation Inc. sa 17 Local Government Units (LGUs) sa National Capital Region (NCR), sa pamamagitan ng pagbibigay ng Home Care Kits na tinatayang nasa 40,000.
Ito’y kung saan pormal na tinanggap ng Lungsod ng Pasay, Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Interior Local Government (DILG), at Department of Health (DOH) sa isinagawang Turnover Ceremony nitong ika-26 ng Enero, 2022.
Ayon sa Executive Director ng PITMASTER Foundation Inc. na si Atty. Caroline Cruz, layon nilang suportahan ang pamahalaan. Aniya pa, ang kanilang mga ibinibigay na tulong ang nagpapatunay ng kanilang misyon na, ‘Providing Indigents with Timely Medical Assistance, Services, and Targeted Emergency Relief’ (PITMASTER).
Nagpasalamat naman si MMDA General Manager, Atty. Romando Artes sa malaking donasyon ng organisasyon.
Sinabi naman ni DOH – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa na ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor sa rehiyon at sa bansa ay hudyat ng pag-asa na matagumpayan ang pandemya. Muli rin nitong ipinaalalahanan ang lahat sa istriktong pagsunod sa Minimum Public Health Standards (MPHS) gayundin ang Ensure to always wash your hands, Mask is a must, at Implement Physical Distancing o ang E.M.I. Habits ng Pasay City.
Sa isang banda, sinaad naman ni DILG Undersecretary Epimaco Densing na patuloy pang pinag-aaralan ang mga bilang ng kaso nitong mga nakaraang araw bago i-anunsyo ang magiging Alert Level sa NCR sa Pebrero.
Samantala, dumalo rin sa isinagawang ceremonial turnover sina DOH Assistant Secretary Elmer Punzalan at MMDA Chief of Staff Michael Salalima.
Nagpapasalamat naman si Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano sa mga dumalo sa Turnover Ceremony at ipinahiwatig rin nito ang suporta ng lokal na pamahalaan sa pakikipagkawang-gawa sa mga pribadong sektor.
Maaalala, nitong ika-19 ng Enero, 2022, ang PITMASTER Foundation Inc. ay una nang nagbigay ng P50 milyong halaga ng antigen kits at P50 milyong cash assistance para sa pagtugon sa COVID-19 ng lokal na pamahalaan sa NCR.