LATEST NEWS

PAGBABAKUNA NG BOOSTER SHOT KONTRA COVID-19 SA MGA BOTIKA SA METRO MANILA, INILUNSAD NA

 

HPCMU News Release No.005

January 21, 2022

Naging matagumpay ang inilunsad ng Department of Health (DOH) na RESBAKUNA sa botika sa mga piling botika sa Metro Manila, kahapon araw ng Huwebes, ika-20 ng Enero 2022.

Ito’y kung saan nagkaroon ng symbolic vaccination ang DOH sa Mercury Drug Store sa Quirino sa lungsod ng Manila sa pangunguna nina Health Secretary Francisco T. Duque III, DOH Assistant Secretary Elmer Punzalan, Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa kasama si Mr. Bryan Posadas, Philippine Pharmacy Association National Manager for Immunizing Pharmacists Certification.

Mula naman sa lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ay dumalo at nagbigay rin ng suporta sina Mayor Francisco “Isko” Domagoso, Vice Mayor Honey Lacuna, Manila City Health Officer Dr. Arnold Pangan at Congressman Yul Servo.

Pinagmalaki ni Mayor Isko Domagoso ang kanilang walang humpay na pagbakuna sa kanilang mga residente, lalo na sa mga senior citizens at mga Persons with Disability. Siya rin ay nagpasalamat sa Kagawaran ng Kalusugan at sa Mercury Drug at nagpahayag ng patuloy na pakikipagtulungan para sa proteksyon ng mga mamamayan.

Ipinabatid naman ni Mercury Drug Vice President for Chainstore Operations in Metro Manila Mr. Martin Gumayan na mahigit nasa 100 vaccinators na ang sumailalim sa training at saktong nagkaroon ng ganitong programa ang pamahalaan. Nagpasalamat naman siya para sa pagkakataon na makipag-ugnayan sa pamahalaan at makatulong sa pagbabakuna.

Iginiit naman ni Secretary Duque ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga bagong paraan sa pagpapalawig ng vaccination program. Diniin nito ang kahalagahan ng kooperasyon ng iba’t ibang sektor sa pagsasakatuparan ng mga pangkalusugang panukala at polisiya, kung saan pumapasok ang whole-of-society, government and systems approach.

Sa huli, ay nagpasalamat naman ang kalihim sa mga botikang lumahok kabilang ang Mercury Drug, Watsons, Southstar, Generika, at The Generics Pharmacy.