HPCMU News Release No.003
January 13, 2022
Mas pinaigting ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa mga batang nasa edad 12-17 taong gulang sa isinagawang Pediatric Vaccination Days noong January 10-12 ng taong 2022.
Sa panayam ni Mr. Ephraim Gaytos ng Radyo Pilipinas kay DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa, inihayag nito na matagal nang nainlunsad sa bansa ang pagbabakuna sa pediatric population at dineklara ang Pediatric Vaccination Days nitong January 10-12, 2022 sa National Capital Region (NCR) upang mas paigtingin ang kampanya at para mas marami pa ang maprotektahan laban sa COVID-19 lalo na at mayroon ng kaso ng Omicron variant na naitala sa bansa.
Ayon pa kay Dir. Balboa, lumalabas sa datos ng DOH-MMCHD na pumalo na sa 32, 384 ang nabakunahan ng 1st dose at 16, 134 naman sa 2nd dose. Nakapagtala ng 48, 518 total jabs ang NCR sa isinagawang Pediatric Vaccination Days.
Samantala, tiniyak naman ni Dir. Balboa na sapat ang ang mga bakuna sa NCR at available ang lahat ng brand ng bakuna sa mga vaccination sites ng upang mayroong pagkakataong makapamili ang ilan para sa kanilang booster dose at matiyak na ang lahat ng pupunta sa vaccination sites ay makatatanggap ng bakyuna kontra COVID-19. Aniya pa “walang aalis ng vaccination site nang hindi bakunado.”
Sa pagtatapos ay hinikayat ni Dir. Balboa ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban COVID-19 at sundin pa rin ang Minimum Public Health Standards (MPHS), gayundin ang mask, hugas, iwas, at airflow.