LATEST NEWS

KALIWA’T KANANG PANAYAM SA MEDIA, PINAUNLAKAN NG DOH-MMCHD BILANG PAGHAHANDA SA SENIOR CITIZENS VACCINATION DAY

HPCMU News Release No. 001

January 7, 2022

 

Sa pagpasok ng taong 2022 at banta ng highly transmissible na Omicron variant sa bansa, dineklara ng Department of Health - Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang ika-6 ng Enero, 2022 bilang Senior Citizens Vaccination Day sa buong National Capital Region (NCR).

Naglalayon itong bakunahan ang natitirang 52,796 o 3% ng eligible population na mga senior citizens sa Metro Manila at upang madagdagan pa ang proteksyon ng mga ito laban sa COVID-19.

Sa isang panayam sa media ni DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa, sinabi nito na nakapagtala na ang NCR ng 97% fully vaccinated individuals at inaasahan pang tataas ang datos na ito oras na masuyod ang ilan pang senior citizens na hindi pa nababakunhan o hindi pa nakakapagkumpleto ng bakuna laban sa COVID-19 sa araw ng Senior Citizens Vaccination Day.

Sa bukod na panayam, sinabi rin ni Director Balboa na sa buong buwan ng Enero, layon ng DOH-MMCHD na mabigyan ng boosters ang hindi bababa sa 763,986 na nakatatanda. Aniya pa “We want to make sure that all of them are vaccinated against COVID-19 so we are doing this vaccination day for the elderly”.

Nilinaw naman ni Dr. Amelia Medina, Division Chief ng Local Health Support Division (LSHD) sa naging panayam nito sa media, na pre-registered o hindi, tatanggapin ang lahat ng eligible seniors sa COVID-19 vaccination sites sa Metro Manila.

Aniya, gagawin ring available sa lahat ng vaccination sites ang maraming brand ng bakuna upang mayroong pagpilian ang mga ito.

Samantala, pinaghahandaan na rin ng MMCHD ang gaganaping Pediatric Vaccination Days sa darating na January 10-12, 2022 kung saan tututukan naman ang pagbabakuna sa mga batang nasa edad 12 hanggang 17.