HPCMU News Release No. 170
December 7, 2021
Personal na nagpaabot ng pasasalamat si Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa sa mga Mayors, Medical Center Chiefs at Healthcare Worker Volunteers ng National Capital Region (NCR). Ito ay para sa mga tulong at naging hakbang kaugnay sa naganap na National Vaccination Day noong Nobyemre 29 hanggang Disyembre 1.
Maaalala na nagpadala ang mga ospital mula NCR ng mga Healthcare Worker Volunteers sa mga kalapit na rehiyon para tumulong sa COVID-19 response, habang sinikap naman ng mga LGUs na suyurin at hikayatin ang mga iilan pang hindi pa nababakunahan laban COVID-19 sa kanilang lugar.
Pinangunahan nina Department of Health Undersecretary Myrna C. Cabotaje ng Field Implementation and Coordination Team (FICT-NCR), Assistant Secretary Elmer G. Punzalan, Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria J. Balboa at Local Health Support Division Head Dr. Amelia C. Medina sa pagbibigay ng parangal sa San Juan, Pasig at Quezon City LGUs pati na rin sa mga medical center chiefs at volunteers ng mga opsital sa Metro Manila.
Labis naman ang galak at pasasalamat ng mga punong lungsod sa pagpapahalaga na ipinakita ng MMCHD sa kanilang sakripisyo at suporta sa Bayanihan Bakunahan at para makapagtala ng 98.61% vaccination rate sa target population ng NCR.
Nakatakda naman puntahan ni Reg. Dir. Balboa ang iba pang lungsod sa mga susunod na araw upang personal na magpasalamat at iabot ang mga parangal sa mga punong lungsod.