HPCMU News Release No.169
December 1, 2021
Nagsagawa ng vaccination site inspection ang Department of Health - Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) kasama ang mga regional offices sa National Capital Region (NCR) particular na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Interior and Local Government (DILG) sa The Tent sa Vista Global South Mall at SM Center Mall sa Las Pinas City gayundin sa Camarin High School sa Caloocan City.
Ito ay bilang bahagi ng ikalawang araw ng National Vaccination Day kahapon araw ng Martes, ika-30 ng Nobyembre, 2021.
Sa naging maiksing mensahe ni DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa sa mga mga vaccination sites na pinuntahan nito, sinabi nito na ang National Vaccination Days ay ipinatupad ng gobyerno upang magsagawa ng malawakang sabay-sabay na pagbabakuna kontra COVID-19 at maprotektahan ang karagdagang mga Pilipino.
Iginiit naman ni Director Balboa na kaakibat ng pagbabakuna kontra COVID-19 ang pagsunod sa minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay at pag obserba ng physical distancing upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19 lalo na’t may panibagong variant ng COVID-19 ang nadiskubre mula sa South Africa na tinatawag na Omicron.
Samantala, hinihikayat rin ni Director Balboa ang mga kabataan na anyayahan ang mga kaibigan at kaklase ng mga ito na magpabakuna bilang paghahanda sa ipatutupad na face-to-face classes at upang maging kampante ang mga magulang na ligtas ang kanilang mga anak sa mga makakasalamuha nito sa mga paaralan.
Sa huli ay nagpapasalamat si Director Balboa sa lahat ng dumalo para magpabakuna at sa mga ahensya ng gobyerno na naging katuwang ng DOH at buong bansa sa paglaban sa COVID-19.
Naniniwala naman si Director Balboa na ang pagbabayanihan ng bawat isa ay susi upang masugpo ang kinakaharap na pandemya bunsod ng COVID-19.