HPCMU News Release No. 167
November 29, 2021
Pormal nang sinimulan ang National Vaccination Days ngayong araw ng Lunes, ika-29 ng Nobyembre, 2021. Ito ay matapos na magsagawa ng Ceremonial Vaccination ang Department of Health (DOH) sa Marikina Sports Complex.
Ikinagalak ni Health Secretary Francisco Duque III na makita ang dami ng nais magpabakuna na aniya’y hudyat ng kumpyansa ng publiko sa bakuna. Iginiit naman nito na bagaman hindi pa nakakapasok sa bansa ang Omicron variant ay naghahanda na rin ang gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng proteksyon sa publiko sa pagbabakuna at paghihigpit ng border control.
Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, sa kabila ng kakulangan ng hiringgilya sa buong mundo ay mayroong sapat na hirringgilya sa lungsod para sa National Vaccination Days.
Matapos sa Marikina Sports Complex, nagtungo naman ang mga kawani ng DOH at ilan pang kalihim sa Batasan National High School Quezon City.
Ito'y kung saan nagpaabot ng mensahe si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benjamin “Benhur” Abalos Jr, hinggil sa pwersa ng 17 lokal na pamahalaang lungsod na nagpadala ng 50 grupo mula sa mga pampubliko at pribadong ospital sa mga karatig rehiyon bilang tulong sa gumugulong na National Vaccination Days.
Samantala, dumalo rin sa Batasan National High School si Health Assistant Secretary Elmer Punzalan at Department of Local and Interior Government (DILG) National Capital Region (NCR) Director Maria Lourdes Agustin.
Habang ang grupo naman ni DOH - Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) Regional Director Gloria Balboa ay bumisita sa ilan pang mga vaccination sites gaya ng Fishermall Malabon City at San Jose Abad Academy sa Navotas City.