LATEST NEWS

DOH-MMCHD, NAKIISA SA PAGSISIMULA NG LUNGSOD NG SAN JUAN SA PAGBABAKUNA NG BOOSTER SHOT SA MGA SENIOR CITIZENS AT MAY COMORBIDITIES

 

HPCMU News Release No. 166
November 24, 2021

Nakiisa si Department of Health - Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa sa pagsisimula ng lungsod ng San Juan sa pagbabakuna ng booster shot sa mga Senior Citizens at Immunocompromised sa Filoil Flying V Centre Arena kahapon araw ng Martes, November 23, 2021.

Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, tinatayang nasa isang libong indibidwal ang target na mabakunahang senior citizens at immunocompromised sa unang araw ng pagbabakuna sa mga ito sa FilOil Flying V Centre.

Aniya, dahil maraming suplay ng bakuna sa lungsod ay binibigyan nila ng kalayaan ang mga ito na pumili ng bakunang ituturok sa kanila para sa booster shot.

Gayunman, pinaalalahanan naman ni Department of Health – Metro Manila Center for Health Development ang publiko na maraming dapat isaalang-alang sa pagpili ng bakuna kung ito ay homologous o kaparehong brand ng naunang tinanggap na bakuna at heterologous o booster brand na iba sa naunang tinanggap na COVID-19 vaccine.

Dagdag pa ni Director Balboa, malaking factor sa pagpili ng heterologous ang mga nakaranas ng adverse effects pagkatapos ng kanilang primary vaccines. Kaya payo nito na mas mainam paring magpakonsulta sa doctor lalo na sa A2 at A3 bago mamili ng brand na ituturok para sa booster shot.

Samantala, ipinagbabawal naman ang walk-in sa pagbabakuna sa San Juan City kaya nananawagan si Mayor Zamora sa mga taga lungsod na magparehistro muli at magpabakuna na upang makabalik na umano ang lahat sa normal lalo na’t malapit na ang Pasko.